MAYAMAN din ang mundo ng musika sa mga kuwentong nakakaloka. Simple lang ang mga nangyayari, hindi lang gaanong pinagpipistahan, pero marami.
Isang gabing nagpapatila ng ulan ang mga kilalang personalidad sa recording world ay naging pulutan sa pagitan ng pagtungga ng kape ang isang female personality na kilalang-kilala sa pagkakaroon ng lakas ng loob.
Parang ‘yun lang naman ang naging puhunan ng singer-actress kuno sa kanyang propesyon, parang nang maghulog at magpaulan ng lakas ng loob ang langit ay nakasambot nang sobra-sobra ang babaeng ito pati ang kanyang nanay, kaya lahat na lang ay pinapasukan ng mag-ina.
Recording artist siya, pero hindi naman siya singer talaga, at nang ilabas ng kumpanya ang kanyang album ay nakatiyempo ang lowkah!
Kuwento ng isang source sa umpukan, “Naku, kung alam n’yo lang kung ano ang pinagdaanan ng babaeng ‘yun! Kung papuntang Makati ang mga instrumento, e, papunta naman sa Monumento ang boses niya, sintunado!
“Halos magkaroon na ng kulaba ang mga sound engineers sa kanya dahil paulit-ulit na nga siya sa pagre-recording dahil hindi niya makuha-kuha ang tono ng piyesa, e, nakikigulo pa ang nanay niya!
“Grabe ang boses niya, kung saan-saan nagpupunta! Kaya ang isang song sa album, kalahating araw yata niyang tinatapos, grabe! Sintunado talaga siya, malakas lang ang loob talaga ni ____ (pangalan ng babaeng personalidad na makinis ang kutis)!” napapailing na kuwento ng impormante.
Dahil ramdam na nga ang inis ng mga namamahala sa recording ay umeksena ang kanyang mommy. Pumasok ito sa loob ng recording room at buong-ningning na tinuruan ang kanyang anak ng tamang pagkanta. Malapit nang mahulog sa upuan ang mga nasa recording studio.
“Nakakaloka ang madir ng girl! Pumasok siya talaga, pinagalitan ang anak niya, siya ang kumanta nang kumanta! Ganu’n daw ang tamang tono, e, pareho lang namang saliwa ang mga boses nila!
“Nakow, Bradly Guevarra, kung nandu’n ka lang, e, baka nasabihan mo ang mga sound engineers na para matapos na ang indulto nila, e, sabay na lang nilang itulak at ihulog sa Jones Bridge ang mag-ina!” humahalakhak na pagtatapos ng aming source.