ARESTADO ang dalawang miyembro ng civilian security unit ng gobyerno sa Tanauan City, Batangas matapos makuhaan ng droga, samantalang napatay naman ang dating barangay captain ng Bacoor City, Cavite ng mga pulis matapos ang isinagawang operasyon kontra droga, ayon sa pulisya.
Sinabi ni Supt. Chitadel Gaoiran, information officer ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon (CALABARZON) police, na naaresto ang mga suspek na sina Romer Roxas at Jemar Demapilis matapos ang isinagawang checkpoint ganap na alas-6:30 ng gabi, kamakalawa sa Barangay Talaga, Tanauan City.
Natagpuan ng mga pulis mula sa mga suspek ang 5.4 gramo ng shabu na nagkakahalaga ngP9,990 at isang hindi lisensiyadong .38 caliber.
Si Dimapilis ay isang aktibong miyembro ng Mayor’s Anti-Crime Group (MACG), samantalang nasibak naman si Roxas noong 2014, ayon kay Tanuan City information officer Gerard Laresma.
Nagpositibo si Roxas sa paggamit ng droga.
“The mayor (Antonio Halili) was very furious over (his men’s involvement in the illegal drugs). We’ve been conducting drug tests randomly on our government employees, but after this incident, everyone would now be tested,” sabi ni Laresma.
Sa Bacoor City, Cavite, napatay naman si Manuel “Boy” Aledia, isang dating kapitan ng barangay ng Talaba 6, matapos makipagbarilan sa mga pulis ganap na alas-5:30 ng madaling araw noong Huwebes.
Isisilbi sana ng mga pulis ang search warrant sa bahay ni Aledia nang barilin ng suspek ang mga pulis.
Gumanti naman ng putok ang mga pulis, na nagresulta sa kanyang pagkakapatay.