ANG bawat pagpapasya ay maaaring maging daan upang lumagpak. Subuking hingin ang gabay ng Diyos, lalo na sa mahalagang salita o desisyon. Iyan ang Pagsasagawa sa Pagninilay sa Ebanghelyo (1 Cor 6:1-11; Slm 149; Lc 6:12-19) sa ika-23 linggo ng taon.
Kung di niya iniwan si Jesus, di sana siya nagmumura, madalas magkamali, malimit na nagsasabi ng “regrets” at humihingi ng paumanhin at patawad, lalo na nang murahin ang Santo Papa. Di sana siya lapastangan sa matagal nang patay, babae pa man din.
Kung di niya iniwan si Jesus, di sana siya napakayabang. Ang araw-araw na Ebanghelyo’t Pagninilay ay tigib ng payo’t utos sa pagpapakumbaba, bukod sa mga pahayag ng Kawikaan, Salmo, Corinto, atbp. Di nakababawas ng pagkalalaki ang pagpapakumbaba; ang kayabangan ay magbubunyag ng kawalan ng kaalaman, kahihiyan sa sanlibutan.
Si G. Larido ay namatayan ng asawa’t anak sa Roxas NM sa Davao City. Walang poot na namuo sa kanyang isip, o nakipamayan sa kanyang puso. Di rin niya kakainin ang mga terorista. Bagkus, ang lahat ng dalamhati ay inialay na niya kay Jesus, “ang Diyos na lang ang bahala …nakaaalam.”
Ang bangkay na nasa morge na hinalikan ni Digong sa noo ay pinaniniwalaang ang labi ng 12-anyos na anak na babae ni Larido. Tahimik at payapa na ang morge na pinaglagakan ng mga biktima ng terorismo. Karaniwan, sa ganitong katahimikan nagdadasal ang pari o kapanalig sa paniniwala, base sa Jn 14,27 (Iniiwan Ko ang kapayapaan, ang kapayapaan ay para sa iyo).
Namayani ang demonyo sa Davao City, anang mga Pagninilay sa mga simbahan sa Diocese of Malolos (Marilao, San Jose del Monte (Poblacion at Sapang Palay), Pulilan, Paombong (Santiago Apostol) at Hagonoy (Santa Ana) dahil namahay ang malisya at kasakiman sa puso ng marami. Ang makasalanang puso ay naging tahanan ng gulo, gera at gantihan (3Gs).
Hindi masama ang sisihan basta ito’y isinasagawa para lumutang ang aral mula sa pagkakamali. Sa boardrooms, ang tawag dito ay “learning curve” (bagaman minsan ang “learning” ay puro “curve,” walang “learning). Kailangang may sisihan, at sisisihin, dahil maraming buhay ang sadyang nawala, tulad ng sa Mamasapano.
Akala ko, malakas ang gobyernong Duterte. Hindi pala. Ang malakas na pamamahala ay kaya ang anumang banta sa lipunan, anila Vladimir Putin at Lee Kuan Yew. Ang banta, na binalewala ng pamilya na di natuto sa dalawang nakalipas na pambobomba, ay di kapani-paniwalang lumusot sa tatlong Duterte. Mindanaoan pa naman kayo.
Mindanaoan si Digong, pero bakit bata-batalyon ang ipinadala sa Sulu? Ang konting bandido ay kayang lipulin ang libu-libong sundalo, may nakasalikop pang Navy sa isla? Mindanaoan din si Pacquiao pero wala siya estratehiya para “patulugin” ang Abu Sayyaf, Maute, BFF, atbp.
Ngayon na lang nagbigay si Duterte sa mga musmos na naiwan ng mga sundalo. Ang pamilya Ayala-Zobel (tanaw ko na sila simula pa noong 1959 mula sa Poblacion, Makati), sa pamamagitan ng kanilang Hero Foundation, ay matagal nang nagpapaaral ng mga ulila ng sundalo. Sa dami ng mga ulila ay kailangang kumatok sa mapagbigay na mga puso ang Ayala-Zobel. Pag-aralin ang mga bata.
PANALANGIN: Panginoong Jesus, turuan mo akong maging kalugud-lugod at mahinahon sa aking buhay. Father Mar Ladra, Diocese of Malolos.
MULA sa bayan (0916-5401958): Kasalanan ba ang umibig sa driver? Nakakatatlong asawa na ako at lahat sila ay driver. Ang unang asawa ko ay pinatay. Ang ikalawa ay namatay sa aksidente. Lahat sila, lumigaya ako at masagana ang aming buhay. Huwag apihin si Sen. De Lima. Aylee, ng Tandag City …7876