MATAGAL na panahon nang pinagdududahan ang kiyeme-kiyemeng relasyon ng isang magka-loveteam. Ipinagsisigawan na nila sa buong mundo ang kanilang pagmamahalan pero parang wala namang naniniwala sa kanila.
Paano naman kasi silang paniniwalaan, nagiging sweet lang sila kapag may mga nakapaligid sa kanila, lalo na ang mga press people?
Kapag silang dalawa na lang ang magkasama ay wala na silang pansinan, parang wala silang katabi, puro put on lang naman kasi ang kanilang pagmamahalan kuno.
Kuwento ng isang source, “Mahirap ang ginagawa nilang dalawa, ha? Kapag may mga tao, kailangan nilang maging sweet sa bawat isa, kailangan nilang ipakita na nagmamahalan sila!
“Kahit pa siguro diring-diri na ang guy sa mga kaechosan niya, e, go pa rin siya nang go, dahil ‘yun nga ang kailangan para kagatin ng mga tao ang press release na magkarelasyon sila!
“Sakay lang naman nang sakay ang girl sa pag-asang magiging successful ang loveteam nila, pero sa loob-loob siguro niya kapag nagpaka-sweet sa kanya ang guy, ‘Chariiiinnnngggg!!!!’
“Hindi rin sila nakikitang lumalabas nang silang dalawa lang, mag-dinner man sila, e, sangkatutak ang kasama nila. Sino ang maniniwalang may relasyon nga ang dalawang ‘yun?” tanong-opinyon ng aming impormante.
Dahil wala ngang nangyayari sa kanilang “pagmamahalan” ay mukhang paghihiwalayin na talaga sila ngayon. Magkakani-kanyang trabaho na sila, hindi na sila magpapanggap na magkarelasyon, na dapat lang naman dahil ang sarili nila mismo ang niloloko nila at hindi naman ang publiko lang.
“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kailangang lagyan n’yo ng X ang magka-loveteam na ‘yan na matagal nang nagpapanggap na nagmamahalan pero hindi naman!” pagtatapos ng aming source.