Robin: Dapat lalo tayong maging mabangis, hindi tayo dapat maduwag!

robin padilla

NANAWAGAN ng pagkakaisa si Robin Padilla sa lahat ng sektor sa bansa matapos ang naganap na pagsabog sa isang night market Davao City kung saan 14 katao ang nasawi at mahigit 60 ang su-gatan.

“Para sa akin ay attack iyan sa bawat puso ng Pilipino na naniniwala na puwede talaga tayong magbago,” ani Binoe na isang kilalang supporter ni Pangulong Duterte.

Suportado rin ni Robin kung anuman ang magiging aksyon ng pamahalaan laban sa mga teroristang Abu Sayyaf na siyang nasa likod ng pambobomba sa Davao.

“Ang dapat lang ay suportahan natin iyong presidente natin. Hindi tayo dapat maging duwag sa mga oras na ito kasi …hindi naman pu-puwede na sasabihin natin na pag may ganitong pangyayari eh aatras tayo,” sey pa ni Robin.

“Dapat lalo tayong maging mabangis, lalo tayong dapat nagkakaisa — ito na iyong oras na iyon. Ipakita natin ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagkakaisa dahil ito pong pangyayaring ito ay attack sa bawat Pilipino,” matapang pang hirit ng action star.

Dugtong pa ng aktor, “Anuman ang kulay mo, partido mo— sa pagkakataon na ito, mga mahal kong kababayan, tingnan natin ang sarili natin at isipin natin kung ano ba ang mga magagawa natin para sa bayan.”

Bukod kay Robin, nakisimpatya at nakiramay din ang iba pang celebrities sa mga nabiktima ng Davao City blast, kabilang na riyan sina Vice Ganda, Marian Rivera, Jaya, Aiza Seguerra at marami pang iba.

Read more...