Muslim Youth Payag sa Libingan ng mga Bayani si Makoy

SA harap ng patuloy na debate kung dapat bang ilibing si dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, nagpahayag naman ng pagpabor ang mga kabataang Muslim sa pangunguna ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa paghihimlay sa kanya sa LNMB.

Kinatigan ng mga kabataang Muslim ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang mailibing ang mga labi ni Marcos sa Libingan.

Sinabi ni Zulfikar-Ali Bayam, public information officer ng Moro National Liberation Front (MNLF-Youth) pabor na pabor ang kanilang mga kapatid na Muslim na mailibing na sa Libingan ng mga Bayani si Marcos nang matuldukan na ang isyung ito at magkaroon na ng katahimikan sa bansa hinggil kay Marcos.

Idinagdag ni Bayam na noong panahon ng batas militar ay marami rin sa kanilang mga kapatid na Muslim ang nasawi sa pakikipaglaban para sa kanilang karapatan.

Aniya, naniniwala naman ang kanilang grupo na napapanahon na para matuldukan ang isyu kung hinggil sa pagpapahimlay sa dating pangulo sa Libingan ng mga Bayani.

Iginiit ni Bayam na bagamat totoong marami ring nag-alsa, nag-armas, at nakibaka sa kanilang hanay laban sa dating pangulo dahil sa tingin nila ay napabayaan ang Mindanao noon.

Ayon pa kay Bayam, marami ring namang nagawa si Marcos para sa Pilipinas na ngayon ay tinatamasa ng Pinoy.

Sinabi pa ni Bayam mas marami ring naipatayong mga imprakstratura at mga ahensya ng gobyerno si Marcos na ngayon ay ginagamit at napapakinabangan ng kanilang mga kapatid na Muslim partikular na sa Mindanao.

Idinagdag pa ni Bayam na mismong si MNLF chairman Nur Musuari at iba pang lider ng MNLF ay pabor na maipalibing si Marcos sa Libingan.

Matatandaang si Misuari ang namuno sa mga Muslim noong 1970s hangang 1980s sa pag-aarmas at paglaban sa rehimen ni Marcos.

Ayon kay Bayam, dahil bahagi na lamang ito ng kasaysayan ng Pilipinas, ayaw na nilang kontrahin pa ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani bilang pagkilala na rin sa kanya bilang dating Pangulo.

Bukod sa MNLF Muslim youth, pabor din si Buhay partylist Rep. Lito Atienza sa isinusulong ni Pangulong Duterte na mailibing na si Marcos sa Libingan.

Naging biktima si Atienza ng Plaza Miranda bombing.

Ayon kay Atienza, naniniwala siyang karapatan ni Marcos na mailibing sa Libingan bilang dating pangulo at sundalo.

Naniniwala rin si Atienza na hindi si Marcos ang utak sa pagpapasabog sa Plaza Miranda kung saan nagaganap ang Miting de Avanze ng Liberal Party (LP), kayat walang dahilan upang hindi pa matuloy ang pagpapalibing kay Marcos.

Read more...