NGAYON pa lang ay atat na atat na ang milyun-milyong fans nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na mapanood ang latest offering ng Star Cinema na “Barcelona A Love Untold” na showing na sa Sept. 14.
Gustung-gusto nang masaksihan ng KathNiel supporters ang ipinagmamalaking pag-level up daw ng akting at mga eskena ng rumored couple sa nasabing movie sa direksiyon ni Olivia Lamasan, kabilang na nga rito ang kissing scene ng magdyowa.
Sabi nga ni Kathryn, “Ito talaga ‘yung pinaka-mature na nagawa namin. Aminado kami ni DJ na nagugulat din kami sa mga eksena na kung paano ‘yung pagkasulat. Tapos kung paano ‘yung pagpapakilig namin ‘yun ‘yung binantayan nila Inang (direk Olive) kasi gusto niya hindi ‘yung kilig na kita sa ‘Crazy Beautiful You’ at sa ‘She’s Dating the Gangster.’ Dito ang layo layo talaga.”
Para naman kay Daniel, “Basta kung anong nakikita ninyo sa screen, siguro sa tulong na rin ng limang taon, parang hinuhukay mo lang ‘yung mga nangyari nu’ng nakaraang panahon ninyo nailalabas mo sa eksena. So ang laking tulong ng samahan namin ni Kathryn. ‘Yung mga Kathniel fans I think magugulat sila eh.
“Magugulat na maninibago sila sa amin ni Kathryn. Ibang-iba ito sa past movies namin. Ang layo nito. Ang layo ng characters namin doon. Pati paglalakad ni Kathryn iba kasi nga nandu’n ‘yung maturity ng posture, ‘yung lakad, talagang pinapakita ni Inang. Napakita niya talaga sa movie na ito ‘yun lang ang masasabi ko. Mabibigla ‘yung mga Kathniel,” dagdag pa ni DJ.
Hirit pa ng binata, “Gusto namin pagkatapos ninyo mapanuod ‘yung movie, hindi niyo makikita si Kathryn at si Daniel. Gusto namin ang makita nila sina Eli at Mia. Ang dami nilang kuwento na gusto namin maka-relate sa lahat. I promise everyone na pagka napanuod ito ‘yung maturity na ‘yun ‘yung maipapakita namin.”
Hindi man diretsong ikinuwento ang detalye ng kanilang kissing scene, pangako ni Kathryn, “Basta in five years nga itong movie na ito talagang magandang regalo para sa Kathniels at sa lahat kasi aside from the kissing scene, yung kissing scene kung meron man, ang daming kailangan abangan dun sa story.”
Pero sey ni Daniel, more than the kissing scene, mas importante pa rin daw ‘yung kuwento ng movie nila, “Hindi ko sinasabi na meron or wala pero ito na ‘yung regalo na namin para sa mga Kathniel na sumusuporta sa amin ng limang taon. Eto na ‘yun. So hanggang du’n na lang muna. Kesa du’n sa kissing scene, ang pag-usapan natin ‘yung storya sa puso nito. It’s more important.”