Boy sa paglipat ni Kris sa GMA: Hindi siya nagpaalam pero hindi rin kami naghiwalay

boy abunda at kris aquino

NASULAT namin dito sa BANDERA ang paglilipat ni Kris Aquino sa bahay nila sa Green Meadows habang sa isang condo muna sila mangungupahan pansamantala.

Nabanggit din namin na posibleng makikituloy muna sila sa bahay ni dating Pangulong Noynoy sa West Avenue, pero sabi ng King of Talk na si Boy Abunda nang makausap namin noong Huwebes ng gabi, “Baka dadalaw lang kay P-Noy.”

Sabi ni kuya Boy ay sa condo unit na pag-aari ng Lopezes uupa si Kris kasama ang dalawang anak na sina Josh at Bimby kaya ibig sabihin ay maganda pa rin ang relasyon ng Queen of All Media sa mga may-ari ng ABS-CBN maski na lilipat na siya sa GMA 7 sa pangangalaga ng talent management ni Mr. Tony Tuviera.

Ayon kay kuya Boy, “Lilipat siya sa tita (pangalan ng isa sa Lopezes), you know these are family friends.” Inalam na rin namin sa Tonight With Boy Abunda host kung ano na ang update sa career ni Kris.

“Naku, Reggs, wala pa akong masasabi at ito nga si Kris, ako pa ang itinuturo, tumawag daw sa kanya si Ricky Lo at nagtatanong ng update, sabi ba naman, ‘Call Boy.’ “Kaya sabi ko kay Kris, ‘Anong sasabihin ko?’ Hindi ko naman itinatangging hindi kami nagkakausap, of course we talk almost everyday at marami siyang sinasabi sa akin, pero ano ba ang dapat kong sabihin.

“Inuulit ko ulit ‘yung sinabi ko sa ‘yo before, supporting actor lang ako dito, hindi ako bida, kaya bakit ako magsasalita. “Hindi ako makakapag-comment sa pinasok niya (business) with Mr. Tony Tuviera. Ako ay nahihiya dahil walang nagsasalita.

“Si Kris is not talking, si Tony is not talking, ABS-CBN is not saying anything. Why would I? “Ang masasabi ko ay sila ay nag-usap siguro. I’m not privy to many things. Sa palagay ko sila ay nag-usap-usap. How extensive were the discussions, the dialogues hindi ko alam. Hindi siya nagpaalam, hindi naman kami naghiwalay,” paliwanag mabuti ng TV host.

Ang malinaw ay si kuya Boy pa rin daw ang hahawak sa mga endorsement ng Queen of All Media. “Wala kaming pagbabago sa aming relasyon ni Kris, kami pa rin. I still do her contracts, walang nababago,” pag-amin pa.

Sabi pa ng TV host, “ABS-CBN and Kris were okay, maganda ang pag-uusap nila bago nakipag-usap si Kris kay Mr. Tony Tuviera.” Pagkalipas ng 22 years na naging Kapamilya si Kris ay ngayon lang siya uli mapapanood sa ibang TV network.

Read more...