INAKO ng Abu Sayyaf na ito ang responsable sa pagpapasabo sa Davao City night market Biyernes ng gabi na ikinamatay ng 14 katao at 71 iba pa, ayon kay Interior Secretary Mike Sueno.
Sa panayam sa DZRH Sabado ng umaga, sinabi ni Sueno na ang teroristang grupo ang umamin na may kagagawan sa madugong insidente.
Inamin din ni Sueno na nakatanggap ang kanyang opisina sa posibleng pag-atake ng grupo bago pa ang insidente nitong Biyernes.
“Yes. We expected this already. Two or three days ago pa may intelligence na tayo about this,” pahayag ni Sueno.
Iniulat din ng DZMM na ibinandera na ng Abu Sayyaf spokesperson na si Abu Rami ang siyang may pakana ng pagsabog.
Ang pagsabog ay naganap matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na palakasin ang presensiya ng militar sa Sulu para pulbusin ang Abu Sayyaf na may kagagawan sa pagkamatay ng 15 sundalo noong isang linggo sa Jolo.