ANO ba ang ayaw ng simbahang Katolika sa House Bill 5043, ang panukalang Reproductive Health and Population Development Act?
Muli, mag-uusap ang mga kongresistang nagsususog nito at anim na obispo sa Huwebes. Ang simbahan ay pamumunuan ni Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, na may liberal at di saradong pananaw sa reproductive health. Isinususog ng panukala ang magkasabay na paggamit ng natural at artificial birth control at ang sex education para sa mga tinedyer.
Hinggil sa pilduras, hayaan na muna natin sa kanila, sa mga kongresista at obispo, ang balitaktakan dahil tiyak na hindi natin arok ang theology, na igigiit ng mga obispo (matagal nang ibinasura ito ng China at India, mga bansang lampas isang bilyon na ang populasyon).
Pero, ang sex education ba ay masama? Sari-saring tema ng “sex education” ang mababasa sa Internet, may mga simple at nakatutuwa; may mga komplikado at tila di kaya ng karaniwang sentido.
Masama bang imulat ang mga kabataan (karaniwan na sa mga 14-15-anyos na babae ang nagbubuntis ngayon at di na yan balita) hinggil sa maling pakikipagtalik sa murang edad? Dapat bang ituro ang sex education kapag sila’y 20-anyos na?
Noong panahon ng Kastila, masama at di puwedeng pag-usapan ang sex. Ganyan pa rin ba tayo ngayon?
Lito Bautista, Executive Editor
BANDERA, 110309