PUWEDENG magalit nang di nagkakasala kung ang galit ay bilang likas na reaksyon sa kasamaan o katiwalian, lalo na sa gobyerno. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Jer 1:17-19; Slm 71; Mc 6:17-29) sa paggunita sa pagpapakasakit ni San Juan Bautista. Marami ang galit sa kasamaan ng droga, kasamaan ng mga tulak at adik. Hindi binhi ng Diyos ang droga, ang adik at tulak. Di rin binhi ng Diyos ang nagpabaya’t nagpalaganap sa kasamaang ito.
Ang isyu ni D5 kay Digong ay ang pinagsamang 1,000 napatay; at pinatay daw nang ilarga ng kaaway (Digong) niya ang gera kontra droga. Susme! Si Mao Zedong (Mao Tse-tung nang makilala ko sa First Quarter Storm sa Sampaloc, Maynila), 45 milyon ang pinatay, pero ang tawag, at paggalang, sa kanya ng kasaysayan ay “Great Helmsman,” “Great Leader,” “Great Teacher,” at “Great Supreme Commander.”
Nasa pinakamagandang yugto na ang gera kontra droga dahil target na ang mga artista. Ang mga artista, kahit noon pa man, ay lulong na sa bisyo’t krimen, at may mga nasangkot pa sa carnaping at kidnaping. Hawak na ng PDEA at Crame ang listahan at sana’y pangalanan na sila agad para hindi naman nakahihiya sa unang mga pinatay at ibinandera, kahit sila’y wala raw kinalaman.
Hindi sana pinatay ang apat na kilalang lider sa North Caloocan kung noon pa man ay ipinagpaliban na ni Digong ang nakatakdang halalan sa barangay. Napakaselan ang halalan sa barangay dahil ito’y pinaghahandaan, kaya may patayang nagaganap. Kung ang dahilan ng pagbawi ni Digong sa kanyang sinabi noon hinggil sa halalan ay ang pagbaha ng drug money sa kampanya, di ba niya ito naisip agad noon pa man?
Walang tigil ang patayang droga sa Bulacan, lalo na sa Meycauyan, Malolos, Marilao at San Jose del Monte. Iyan ay dahil ayaw pa ring tukuyin nina Digong at Bato ang drug lord sa lalawigan. Alam na ng mga Bulakenyo kung sino siya, aba’y nagmamaang-maangan pa ba sina Digong at Bato? Alam din ng taumbayan na isa-isang pinapatay ng drug lord ang kanyang mga galamay-lupa.
Kung si BS Aquino ba ang mamatay, nararapat ba siyang ilibing sa Libingan ng mga Bayani (sa Manila Memorial daw siya ililibing, pero sa hangad na argumentum, larga!). Hindi siya nararapat. Kalimutan na ang Luneta crisis, GMA, JPE bashing; PDAF, DAP, Corona bribery, MRT-LTO mess, CCT scam, Mamasapano, AK-47 shipment, smuggling, etc. Sa noynoying sa droga, marami na ang pinatay ni BSA.
Sa pananaw at pananampalataya ng simbahang Katolika (Katoliko sina BSA, Marcos, Duterte, at maging mga lider komunista, lalo na si Jalandoni), wala sa libingan ang karangyaan ng hantungan ng katawang lupa. Inuod ang katawan ni San Juan Bautista pero buo ang labi ni Padre Pio ng Pietrelcina, atbp. Ang dangal ay itinatanghal kapag nagbukas ang pinto ng langit. Proud to be Catholic.
Paano na kapag naging komunista o Moro ang Pilipinas, na tiyak na maaaring masaksihan sa pagtanda ng ating mga apo? Papalitan ang “Libingan ng mga Bayani” nang libingan na lang, o sementeryo o memorial; o Campo Santo del Andres Bonifacio. Ang dangal ay wala sa lupa, kundi nasa langit. Ang komunista, tulad ni Mao Zedong, ay walang Diyos.
Di na natuto ang AFP sa nakalipas na encounter at ambush sa Patikul, Sulu. Sa unang taon ng panunungkulan ni BS Aquino, 11 kawal ang napatay sa lugar, malapit sa kinamatayan ng 15 kawal kamakailan. Sinisi ni Aquino ang AFP. Permanent factor ang terrain. Di pa ba alam yan ng AFP?
Mahihirapan si Digong na puksain ang Abu Sayyaf. Baka ang mangyari ay maitatala siya sa kasaysayan na tulad din pala siya ng nakalipas na mga bobong pangulo. Mahusay, bagaman kulang pa rin, ang intel ni Digong hinggil sa droga. Pero, sa Abu Sayyaf, walang utak. Simple lang. Simulan sa LGUs, lalo na sa barangay.
Kailangang humingi ng paumanhin at tawad (dahil hinusgahan ng mga madre) ang simbahang Katolika kay Pampanga Rep. Gloria Arroyo. Malaki ang pakinabang ng mga madre (nagkamali sila, malaking pagkakamali) nang yurakan nila si Arroyo base sa kasinungalingang pahayag ni Jun Lozada hinggil sa NBN-ZTE. Naisulong ng mga madre ang hate GMA, Ben (Abalos); at love Jun. Ayon kay Lozada, kinidnap daw siya para di maka-testigo sa NBN-ZTE deal. Ikaw naman pala Lozada ang korap, at iniyakan pa ng mga madre nang mapatunayan siya (Lozada) ng Sandiganbayan na tiwali.
PANALANGIN: Tulungan mo ako Jesus na pigilan ko ang aking sarili kung nakararamdam na ako ng galit. Fr. Mar Ladra, ng Diocese of Malolos.
MULA sa bayan (0916-54019580): Dito po sa Tacurong City, 3 abusadong pulis, na alaga ng politiko, ang hanggang ngayon ay abusado pa rin. Walang magawa ang kanilang mga kapitbahay. …4344