Wala tayong dapat ipangamba sapagkat isang nagtagumpay sa mundo ang nagbibigay sa atin ng kasiguruhan. Maging ang panggigipit ng mundo ay kanyang naranasan. At bagama’t di maiiwasan ang pagharap sa hamon ng mundo, nananatili namang pag-asa, na sa dulo ng dilim ay may liwanag na naghihintay. –Ebanghelyo sa Mayo 13, eleksyon, ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima (Sim 68:2-3ab, 4-5acd, 6-7ab)
MAY magagawa ba ang arawang obrero, ang hindi mataas ang pinag-aralan, ang walang trabaho, ang mahihirap na boboto sa Mayo 13 na palambutin ang matigas na puso ng Commission on Elections para ibalik ang tatlong “safeguards” para matiyak ang mahusay at tapat na gamit ng PCOS machines, ang pagpapabalik sa sinumang dating Comelec commissioner sa board at ang patuloy na pagtatanggol ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa Comelec kahit na kaduda-duda na ang ginagawa nito, tulad ng naganap sa mock elections na bumulaga’t lumantad ang kapalpakan ng PCOS machines?
May magagawa ba ang arawang obrero, ang hindi mataas ang pinag-aralan, ang walang trabaho, ang mahihirap na boboto sa Mayo 13 na magkaroon ng ikaapat na kopya ang PPCRV, ang magmamasid at magbabantay na mga pari, madre at layko, gayung ipinagkait na nga ito? May magagawa ba ang arawang obrero, ang hindi mataas ang pinag-aralan, ang walang trabaho, ang mahihirap na boboto sa Mayo 13 na masilip man lang ang nilalaman ng ikaapat na kopya ng election returns, lalo na sa resulta ng lokal na halalan?
May magagawa ba ang arawang obrero, ang hindi mataas ang pinag-aralan, ang walang trabaho, ang mahihirap na boboto sa Mayo 13 na ibasura ang pagkakahirang kay Gregorio Larrazabal bilang national vice chairman ng PPCRV, gayung noong nasa Comelec pa si Larrazabal siya ang broker para maisara ang kasunduan sa Smartmatic?
Napatunayan na ng pagdinig sa nakalipas na Kamara na walang alam sa Information Technology ang Smartmatic at ito’y ito ahente o tagapamagitan lamang ng negosyo.
May magagawa ba ang arawang obrero, ang hindi mataas ang pinag-aralan, ang walang trabaho, ang mahihirap na boboto sa Mayo 13 na ihayag ang source code ng Dominion Voting System, ang nagpapatakbo ng PCOS machines?
Noong eleksyon ng 2010 hanggang ngayon ay wala pang nakababatid ng source code maliban sa Dominion lamang.
May magagawa ba ang arawang obrero, ang hindi mataas ang pinag-aralan, ang walang trabaho, ang mahihirap na boboto sa Mayo 13 na malutas ang di nalutas na isyu ng Smartmatic-PCOS automated electoral system?
Walang magagawa ang arawang obrero, ang hindi mataas ang pinag-aralan, ang walang trabaho, ang mahihirap dahil hindi nila maintindihan ang napakasalimuot na mga usapin sa IT, PCOS, Smartmatic, Dominion, atbp.
Maging ang karamihan sa mga mambabatas, tulad nina Lito Lapid (dahil walang kabayo, barilan at lundagang pinag-uusapan) atbp., ay hindi lubos na naunawaan ang electronic voting (e-voting o eVoting), kaya naman, sa harap ng news television cameras, ay patangu-tango na lang ang mga ito at mabuting hindi nabalian ng mga batok.
Kung nakalilito para sa tulad ni Lito Lapid at arawang obrero, ang hindi mataas ang pinag-aralan, ang walang trabaho, ang mahihirap at mangmang (mangmang man ay may karapatang bumoto, tulad ng college graduate, MAs at PhDs), ang ginawa noon ng ilang Igorot ay di na lang bumoto.
Boykot? Pero, mismong ang matalinong si Chino Roces ay napagtanto na ang boykot sa eleksyon ay hindi, kailanman, magtatagumpay sa Pilipinas.
Kung sa tanto ng mangmang ay di niya maintindihan ang halalan sa Mayo 13, maaring hindi na lang siya boboto.
Kung hindi pa rin mauunawaan ng arawang obrero, ang hindi mataas ang pinag-aralan, ang walang trabaho, ang mahihirap, ang napakasalimuot na e-voting, may malayang halalan ba?
Kung nai-programa na ng e-voting ang halalan sa Mayo 13, magagalit ba ang arawang obrero, ang hindi mataas ang pinag-aralan, ang walang trabaho, ang mahihirap para sila mag-alsa?