Father & Sons wala pa ring kupas; Rico Soliman napaluha

father and sons

ISANG masayang hapon ang pinagsamahan namin ng mga regular na tumututok sa aming programa ni kapatid na Ronnie Carrasco sa Radyo Singko nu’ng Martes nang hapon dahil sa mini concert ng Father & Sons.

Umuwi mula sa Japan si Rico Soliman, lumiban naman sa kanilang mga gigs sa Boracay ang magkapatid na Rainjo at Ryan, kaya isinalang namin sila sa isang biglaang tugtugan sa “Cristy Ferminute” (92.3 News FM, AKSYON Tv-41).

Kanilang-kanila ang oras, tinutugunan nila ang request ng mga tagapakinig-tagapanood namin sa “CFM”, para silang jukebox na kapag hinulugan mo ng barya at pinindot ay ‘yun na!

Wala pa ring kupas ang taas at ganda ng boses ni Rico Soliman. Sina Ryan at Rainjo naman ay napakalawak na ng linya ngayon, pareho silang dinadayo sa mga bar na tinutugtugan nila sa Boracay, halos gabi-gabi ay wala silang pahinga.

Nabigyan ng pagkakataong makilala ang mag-aama nang pumutok ang kanilang piyesang “Miss Na Miss Kita,” ginawang pelikula ‘yun ng Viva Films, tumabo sa takilya ang pinagtambalang pelikula nina Robin Padilla at Vina Morales kaya nagkaroon pa ‘yun ng ikalawang sultada.

Pero hindi nagsisimula at natatapos ang husay ng mag-aama sa mga orihinal nilang kanta, grabe ang lawak ng kanilang pondo, kaya nu’ng Martes nang hapon ay nagpista ang mga tagapakinig ng “CFM” sa mga piyesa ng Eagles, Beatles, Crosby, Stills, Nash And Young, Kalapana at iba pang banyagang grupo.

Sana nga ay masundan pa ‘yun, magsama-sama sana uli ang Father & Sons para sa isang masarap na bonding sa pamamagitan ng musika, walang kupas ang mag-aama.

Nasa Germany ngayon ang panganay na si Ritchie, ang drummer-keyboardist ng grupo, nanonood ito habang nagmi-mini concert ang kanyang ama at mga kapatid sa “CFM”.

“Umiiyak si Ritchie habang nanonood, miss na miss niya kaming lahat. Kami rin, gusto na namin uli siyang makasama,” nangingilid ang luhang sabi ni Rico Soliman.

Miss na miss na talaga nila ang isa’t isa. Maraming-maraming salamat, Father & Sons, mabuhay kayo!

Read more...