Ipinaaalis ng House minority bloc ang ‘window time’ ng number coding scheme na ipinatutupad sa Metro Manila upang mabawasan ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada.
At nais ni House minority leader at Quezon Rep. Danilo Suarez na gawing 24 oras ang number coding sa halip na 7 ng umaga hanggang 7 ng gabi lamang.
Sa kanilang press conference, sinabi ni Suarez na mayroong mga hakbang na maaaring gawin upang mabawasan ang mabigat na daloy ng trapiko.
“Maraming magagalit sa amin pero preventive measure ito, wala tayong magagawa,” ani Suarez.
Sa kasalukuyan, ang mga sasakyan na saklaw ng number coding ay maaaring bumiyahe ng 10 ng umaga hanggang 3 ng hapon.
Kapag natapos na umano ang mga proyekto ng gobyerno para lumuwag ang daloy ng trapiko ay maaari na itong alisin.
Isinusulong din ng grupo ni Suarez ang ‘No plate no new car’ policy at ang ‘No income tax return no new plate’ policy upang bahagyang mapigilan ang paglabas ng mga bagong sasakyan.
Sinabi ni Suarez na sa average, nadaragdagan ng 16,000 bagong sasakyan sa kalsada kada buwan.
MOST READ
LATEST STORIES