DITO sa atin, hindi ka pala puwedeng basta na lamang pumasok sa rehabilitation center kung gusto mong talikuran ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Kahit na may pera ka, hindi puwede na basta ka na lamang pupunta sa rehabilitation center at magbayad para makapasok.
Akala ko dati, parang pupunta ka lang sa ospital. Parang pasyente na magpapagamot.
Kung mahirap makapasok ang mga mayayaman, e di lalo na ang mga mahihirap. Paano mo sila aasahan na gumastos para makapagpagamot para makapagbagong buhay?
Ayon sa isang nakausap ko, mayroon siyang tinulungang kakilala na nais ng magbago.
Bago ma-admit sa rehabilitation center, kailangan pala na kumuha ka muna ng utos mula sa korte.
Kung hindi mo makukumbinsi ang korte na kailangan mong maipasok sa rehabilitation center ay sorry ka na lang.
Nagtanong-tanong ako at may nakapagsabi na ganito ang proseso dahil maaaring maging taguan ng kriminal ang mga drug rehabilitation center.
Wala kasing rekord o nakatago ang rekord ng mga nagpapa-rehab kaya walang makakaalam ng kinaroroonan nila, isang perpektong paraan para makapagtago sa batas.
Sa isang pagdinig ng House committee on dangerous drugs ay natalakay din ito. Ganito pala talaga, kailangan may utos ng korte.
Kaya pala ‘yung mga sumusuko sa Oplan Tokhang ay pinapauwi na lamang pagkatapos na magpalista at matanong ng mga pulis.
Isa pang problema sa drug rehabilitation ay ang gastos. Merong rehabilitation center sa Quezon City na umaabot sa P200,000 kada buwan ang bayad.
Ang mga mayayaman ay kayang gastusan ang kanilang kaanak, magbago lamang ito.
Ang iba naman ay mas gusto na nasa rehab ang kanilang adik na kaanak kaysa sila ang ginugulo.
Willing sila na gumastos kesa pinapasakit ang ulo nila.
Wala namang magagastos na ganito ang pamilya ng mga mahihirap na adik. Kung ang pagkain nga sa kanilang mesa ay pinoproblema nila, ano pang dudukutin nila sa kanilang bulsa para maibayad sa rehabilitation center?
Kung problema nila ang pagiging adik ng kaanak, problema rin o baka mas malaking suliranin pa, kung ipare-rehab nila ito dahil sa gastos.
At sa ganitong sitwasyon, malamang ay pabayaan na lamang nila.
Kung nasa labas, hindi naman maiiwasan na muling matukso ang adik na kamag-anak at bumalik sa bisyo.
Kung ‘yung na-rehab ay bumabalik sa bisyo, sila pa kaya na nangako lang na magbabago.
Kapag minalas at nasakote ay problema pa rin ng pamilya dahil maghahanap sila ng pampiyansa.
Dagdag abala rin kung pupuntahan sa presinto para hatiran ng pagkain.
Kung mapapatay ng pulis ay solved agad ang problema nila.
Mukhang mahaba-haba pa ang laban ng gobyerno para tuluyang masugpo ang problema sa iligal na droga.
Ayon kasi sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency, isa sa dalawang drug suspek na kinasuhan ang pinapawalang sala ng korte o nababasura ang kaso.
Ibig sabihin, balik sa kalsada ang mga adik (hindi naman lahat ng pinawalang-sala ay adik talaga) na nakakuha ng magagaling na abugado.
Bukod sa magagaling na abugado, posible rin na “naayos” umano ang mga may hawak ng kaso upang mabasura ito. Mayroong minamanipula ang ebidensya, ilan naman daw ang hindi dumadalo sa pagdinig ng kaso.
Kung kulang ang ebidensya at testimonya, ano pa nga ba naman ang gagawin ng korte kundi ipawalang-sala ang suspek?
Hindi naman din tayo bago sa kuwento na may nag-aayos ng kaso sa korte para mabasura.