My love from the star nina Jennylyn at Alden hindi na itutuloy ng GMA 7?

jennylyn mercado at alden richards

HINDI na nga ba itutuloy ng GMA 7 ang planong pag-remake sa hit Korean series na My Love From The Star na pagbibidahan sana ng Ultimate Star na si Jennylyn Mercado?

Hanggang ngayon kasi ay wala pang napipiling leading man ang Kapuso network para itambal kay Jennylyn. Supposedly ay si Alden Richards ang magiging partner ni Jen sa nasabing serye pero dahil sa matinding pagkontra ng AlDub Nation ay maaaring imposible na itong mangyari.

Kahapon sa presscon ng bagong reality talent comedy show ng GMA 7 na Superstar Duets to be hosted by Jennylyn, ibinalita ng aktres na inaayos pa raw ng management ang tungkol dito at wala pang final announcement. Pero isang magandang blessing naman daw ang dumating dahil siya ang napili para mag-host ng Superstar Duets na magsisimula na ngayong Sabado.

“Parang ano siya, eh, parang pang-break siya sa lahat ng ginagawa ko. Kasi, usually, di ba, pag sa GMA, soap, or live shows, guestings. Mas nare-relax ako (sa Superstar Duets) kasi siguro, walang masyadong effort, magsasalita ka lang, makikipag-banter ka lang, ganu’n lang. Makikipag-usapan ka lang sa mga contestants, hindi mo na kailangang umiyak or sampalin, ganyan. So mas madali para sa akin,” paliwanag ni Jennylyn.

Sa tanong king nalungkot o na-disappoint siya sa balitang baka hindi na muna matuloy ang My Love From The Star, “Okay lang. Kasi mahirap pag pinilit natin, eh. So mas maganda ‘yung maging patient lang. Antayin na lang natin kung ano ‘yung pwedeng dumating.”

Sa pagkakaalam namin, nagpapa-audition pa rin until now ang GMA para maging leading man ni Jen sa nasabing serye. Ang gusto raw kasi ng mga bossing ng network ay bago at fresh ang gaganap na Matteo Do sa Pinoy version ng MLFTS.

Read more...