AASAHAN ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) ang malaking tulong na maibabahagi sa Philippine men’s at women’s chess team ni Asia’s First Grandmaster Eugene Torre sa 42nd World Chess Olympiad na gaganapin sa Baku, Azerbaijan sa Setyembre 1-14.
Sasabak si Torre sa Olympiad sa ika-23 pagkakataon na siya ring record ng torneo. Makakasama niya sa men’s team ang mga GM na sina Julio Catalino Sadorra, John Paul Gomez at Rogelio Barcenilla at si International Master Paolo Bersamina.
“It is a big responsibility given to me by the NCFP looking after the team,” sabi ni Torre.
“We know that a chess match can only be played individually but it is not the thing when you are in the Chess Olympiad, it is about the team. It will be an added pressure for me but mas maganda na magkakasama ang bawat miyembro para sa bansa.”
Ito ay matapos naman magdesisyon ang NCFP na hindi isama ang kasalukuyang Battle of Grandmasters champion na si GM Rogelio Antonio Jr. at italaga na lamang sa pagbitbit sa isang koponan na ipapadala nito sa dalawang malaking torneo sa susunod na buwan.
Bilang kampeon sa Battle of Grandmasters (National Open) ay karapatan ni Antonio na makabilang sa pambansang koponan ngunit taliwas ito sa desisyon ng pamunuan ng NCFP.
“Our president, Cong. Prospero Pichay, will have an official announcement with regards to that and also of the two huge international tournament assigned to GM Antonio,” sabi ni Philippine men’s team non-playing team captain James Infiesto.
Sasabak para sa Pilipinas ang US-based na si Sadorra sa Board 1 habang nasa Board 2 si Gomez. Si Torre naman ay nasa Board 3 habang ang US-based din na si Barcenilla ay nasa Board 4 at si Bersamina ay nasa Board 5.
Target ng men’s team na maabot ang pinakamataas na ika-25 puwestong pagtatapos nito sa naturang torneo.