Bela, Arci wagi ang lasing-lasingan akting sa ‘Camp Sawi’

Print

PINANOOD talaga namin ang pelikulang “Camp Sawi” sa opening day nito noong Miyerkules para malaman kung totoo ngang “super ganda” nito base na rin sa review ng mga nakapanood nito during the premiere night.

Ayon sa ilang nakakuwentuhan namin maayos daw ang pagkakasulat ng script at pagkakadirek ni Irene Villamor na isa sa mga protégé ni Binibining Joyce Bernal (creative ma-nager ng pelikula).

Sa Robinson’s Magnolia Cinema 3 kami nanood, kinuha namin ang last full show na 10 p.m. at medyo nalungkot lang kami dahil halos 50 percent lang ang tao sa loob ng sinehan. Nakasabay pa nga namin ang singer na si KZ Tandi-ngan kasama ang mga kaibigan.

Nalaman din namin na sa 7 p.m. screening ay hindi rin full house ang sinehan pero sobrang saya at ingay daw ng audience. ‘Yun pala, nanood ang buong Cornerstone family na pinangu-ngunahan ni Erickson Raymundo kasama ang buong staff at ilang artists nila kabilang na sina Erik Santos, Sam Milby.

Anyway, sa unang bahagi ng pelikula ay si Bela Padilla ang bumida, i-pinakita rito ang boyfriend niyang Chinese (Dennis Trillo) – umabot ng 10 years ang relasyon nila pero hindi rin nagkatuluyan dahil iba ang gusto ng magulang ng lalaki.

Nabaliw-baliw si Bela at humanap ng paraan para makapag-move on hanggang sa nahanap niya sa internet ang Camp Sawi na isang napakagandang island kung saan nagsasama-sama ang mga taong sawi.

Tawang-tawa kami sa eksenang magka-crash ang eroplanong sinasakyan ni Bela patungong Camp Sawi dahil sa sobrang bigat daw ng puso ng dalaga dahil nakasimangot siya. Nag-dialogue naman si Jerald Napoles na dapat daw ay ngumiti si Bela para di sila mag-crash. At nang mag-smile nga ang dalaga biglang tumaas ang lipad ng eroplano.

Bagaman ilan lang ang eksena ni Jerald ay muli niya ka-ming napatawa ng malakas tulad ng ginawa niya sa “Rak of Aegis” na feeling guwapo talaga.

Type ko rin ang eksena kung saan nag-dialogue si Bela na kung sino ang magandang sawi ay papatayin niya pati na ‘yung pareho silang nalasing ni Arci Muñoz na kung anu-ano na ang pinagsasabi at pinaggagawa sa dagat.

Kaaliw din ‘yung pinagtripan ng mga lasing na girls ang Camp Master na si Sam Milby. Pakiramdam namin ay talagang mga lasing o tipsy sina Arci at Bela sa eksenang iyon para lumabas ang tunay na ikinikilos ng taong ba-ngenge.

Maganda ang papel ni Arci sa movie na isang bokalista ng rock band at girlfriend ni Rico Blanco. Tawanan ang mga manonood nang sabihin ni Rico na may regalo siya kay Arci – sabay kumanta ng break-up song at bago ito sa isang comedy film, ha.

Okay naman ang portrayal ni Yassi Pressman bilang isang cheer leader sa campus at GF ng campus heartthrob na ginagampanan ni Brent Jackson. Nadiskubre ni Yassi na ba-ding ang boyfriend nang mahuli niyang kasama nito sa shower room ang baguhang aktor na si JC Santos (na kasama rin sa seryeng Till I Met You nina James Reid at Nadine Lustre).

Nakakatakot at medyo nakakabaliw naman ang papel ng stage actress na si Kim Molina. Pagkatapos kasing mag-propose ng fiancé niyang si Alex Medina ay nasagasaan ito habang may kausap sa cellphone.

Kabit ni Tonton Gutierrez ang role ni Andi Eigenmann. Idinadaan naman niya ang kanyang frustration at pagkasawi sa pamamagitan ng pagtuturo ng yoga at kung anu-anong exercises sa mga kapwa niya sawi.

Sobrang funny ang kabuuan ng pelikula kaya saktung-sakto rito ang sinasabing “relax and enjoy the movie.”

Samantala, bagama’t si direk Irene ang nagdirek ng “Camp Sawi” ay kita pa rin ang tatak ni Binibining Joyce Bernal sa pelikula dahil halos lahat ng pelikula niyang comedy o rom-com na napanood namin ay ganito ang tema.

Para sa amin si Bela ang pinakabida sa “Camp Sawi” dahil sa kanya nakasentro ang mas malaking bahagi ng pelikula. Ang N2 Productions na pag-aari ng boyfriend ni Bela na si Neil Arce ang isa sa producers ng movie kasama ang Viva Films.

Read more...