HALOS isang buwan nang ipinatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ban sa mga UV Express sa Edsa at panahon upang bawiin dahil sa pagiging anti-poor nito.
Sino ba ang sumasakay sa mga UV Express, hindi ba’t ang mga ordinaryong mamamayan, na walang kakayahang magmay-ari ng kotse at nais lamang ay mas mabilis na biyahe kapag pumapasok sa kani-kanilang trabaho at paaralan at nais pumunta sa isang lugar na may konting ginhawa?
Pinakamababang sakay ng mga UV Express ay 10 pasahero kaya hindi masasabi ng LTFRB na hindi ito praktikal.
Ito’y mas mainam kumpara sa mga de-kotse na iisa lamang ang sakay.
Bago isipin ng LTFRB na mamerwisyo ng libo-libong pasahero, bakit hindi muna nito subukang ipagbawal ang pagdaan ng mga pribadong kotse sa Edsa na iisa lamang ang sakay?
Sa ibang bansa, hinuhuli ang mga may dalang ng sasakyan na iisa lamang ang sakay kapag dumaraan sa lane na bawal sila. Hindi ba mas magandang tularan ito ng LTFRB?
Kapag mga ordinaryong mga mamamayan ang apektado ng ipinapatupad ng LTFRB, walang nag-iingay kundi ang mga driver lamang, bagamat ang totoong apektado nito ay ang mga pasaherong nagbebenepisyo sa mga UVs.
Ang tanong, nakatulong ba ang ginawa ng LTFRB na pagba-ban ng mga UVs sa Edsa para mapaluwag ang lagay ng trapik?
Tiyak kong hindi ang sagot dito. Ipinatupad ito para masabi lamang na may ginagawa ngang hakbang ang LTFRB sa hindi masolusyunang trapik sa Edsa.
May panukalang ipagbawal ang paglalagay ng terminal sa kahabaan ng Edsa at bakit hindi ito ang tingnan bilang opsyon ng LTFRB?
Dahil ba mas may panlagay ang mga malalaking kompanya ng bus para hindi sila galawin?
Bakit hindi ang mga kolorum ang tanggalin sa Edsa, kasama na ang mga bus at maging ang ilang kolorum na UV Express.
Kung tutuusin kaya maraming nakakalusot ay dahil pinapayagan pa rin ang paglalagay ng mga kolorum na sasakyan sa Edsa.
Ito’y bukod pa sa talamak pa ring korupsyon sa LTFRB na isa sa dalawang special mention ni Pangulong Duterte na kilalang korup na ahensiya ng pamahalaan. Ang isa pang binanggit niya at pinagbibitiw pa ang mga pinuno ay ang Land Transportation Office (LTO).
Ramdam kaya ng mga opisyal ng LTFRB ang paglalakad ng mga kawawang pasahero lalu na papuntang istasyon ng MRT North Avenue kung saan pwede lamang ang mga UV Express hanggang SM North Edsa?
Ito’y bukod pa sa mga pasaherong galing sa Bulacan na kailangang pang lumipat ng MRT at LRT.
Sa paghahanap ng solusyon sa trapik sa Edsa, hindi ba dapat ay ang unang kinukonsidera ay kung gaano karaming pasahero ang apektado nito?
Ipinagtatanggol ng DOTC ang hakbang ng LTFRB. Hindi ba’t kaya nga may opisyal na itinatalaga ay para makapaglingkod sa publiko at hindi maging perwisyo.
Perwisyo sa ordinaryong mamamayan ang pagba-ban ng UV Express at dapat nang bawiin.