Winning streak ng TNT KaTropa Texters winakasan ng Mahindra Enforcers

Laro Ngayon
(Legazpi City)
5 p.m. Rain or Shine vs Globalport

WINAKASAN ng Mahindra Enforcers ang winning streak ng TNT KaTropa Texters matapos manaig, 107-104, sa kanilang 2016 PBA Governors’ Cup elimination round game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Bunga ng panalo, nasolo ng Mahindra ang ikalawang puwesto sa 6-2 kartada habang naputol ang anim na diretsong panalo ng TNT KaTropa matapos makatikim ang unang pagkatalo.

Muling pinangunahan ni James White ang Enforcers sa itinalang 25 puntos at 10 rebounds.

Nag-ambag naman si Paolo Taha ng 15 puntos habang sina KG Canaleta, LA Revilla at Mike Digregorio ay nagdagdag ng 13, 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Mahindra.

Kumamada si Jayson Castro ng 33 puntos para pamunuan ang TNT KaTropa.

Si Mychal Ammons ay nagtala ng 20 puntos habang si Larry Fonacier ay kumana ng 13 puntos para sa Texters.

Samantala, magtutuos ang Rain or Shine Elasto Painters at Globalport Batang Pier sa kanilang out-of-town game sa Legazpi City, Albay ngayong alas-5 ng hapon.

Read more...