Arellano Chiefs nakisalo sa liderato ng NCAA

Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
12 nn. San Sebastian vs Mapua
2 p.m. Lyceum vs JRU
4 p.m.  Letran vs San Beda
Team Standings: Arellano (10-2); San Beda (10-2); Perpetual Help (9-3); Mapua (7-4); JRU (6-5); Letran (5-6); Lyceum (5-6); EAC (3-9); San Sebastian (3-9); Benilde (0-12)

TINALO ng Arellano University ang Emilio Aguinaldo College, 83-74, para sa ikapitong diretsong panalo nito sa 92nd NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City kahapon.

Dahil dito ay umangat sa 10-2 ang panalo-talong kartada ng Chiefs para makatabla sa unang puwesto ang San Beda Red Lions na walang laro kahapon.

Pinamunuan ni Jio Jalalon ang Arellano sa itinalang 21 puntos, walong assists at siyam na rebounds.

Nag-ambag naman si Kent Salado ng 15 puntos at siyam na rebounds habang si Lervin Flores ay may 10 puntos at 10 rebounds para sa Chiefs.

“It feels good to be on top for the first time this year,” sabi ni Arellano coach Jerry Codiñera.

Samantala, ipinamalas naman ng Perpetual Help Altas ang matindi nitong depensa sa pagtumba sa kulelat na College of St. Benilde Blazers, 70-45.

“We did everything right in this game after coming from a loss the last game,” sabi ni Perpetual Help coach Jimwell Gican sa panalo na bahagyang tumabon sa masakit na 55-71 kabiguan ng Las Piñas-based school kontra San Sebastian Stags.

Nanguna si Nigerian Bright Akhuetie para sa Altas sa tinipon na 15 puntos habang nakakuha siya ng suporta kina Gab Dagangon, Gerald Dizon at Prince Eze na nag-ambag ng 12, 11 at 10 puntos, ayon sa pagkasunod-sunod.

Read more...