Mahal Na Araw rin nu’ng nakaraang taon nang magsimula ang matinding away ng magkapatid na Ara Mina at Cristine Reyes.
Natatandaan pa namin, nasa Amana Water Park ang mga kasamahan naming manunulat nang magsadya sa piskalya ng Quezon City si Ara Mina para sampahan ng asunto ang nakababata niyang kapatid.
Napatid ang pasensiya ni Ara dahil sa sangkatutak na text messages ng paninirang-puri at pambabastos na ipinadadala sa kanya ni Cristine, pati ang kanilang ina ay hindi na iginagalang nito, kaya nagsumbong na sa korte si Ara.
Pero nu’ng nakaraang Huwebes Santo ay nakatanggap si Ara ng text message mula kay Cristine, nanghihingi ng tawad sa kanya ang nakababata niyang kapatid, hindi agad ‘yun sinagot ni Ara dahil inisip niya na baka tulad din nu’ng dati ang mensaheng ‘yun na wala namang sinseridad at may kaangasan pa.
“Pero meron po akong naramdaman, iba ‘yun kesa sa mga text messages na ipinadadala niya dati sa akin, kaya sabi ko, she must be sincere naman sa mga sinasabi niya,” pahayag ni Ara.Biyernes Santo nang umaga na nang sagutin ni Ara ang mensahe ni Cristine.
Sa hiling nito kung puwedeng magpunta sa kanyang bahay ay “Bakit naman hindi?” ang isinagot ng mas nakatatandang kapatid ni Cristine.
Papunta na nu’n sa Baguio si Cristine, nasa Tarlac na ito, pero nang sabihin ni Ara na bumalik ang nakababata niyang kapatid ay agad namang sumunod ito.
“Parang MMK ang nangyari nu’ng dumating siya sa house ko.
Magkalayo pa kami ng upuan, ayoko kasing ipakita sa kanya na umiiyak ako.
Pero nu’ng magkatinginan na kami, ‘yun na, lumapit na siya sa akin, lumuhod na, humingi na siya ng tawad dahil siya raw ang may kasalanan sa lahat-lahat,” basag ang boses na kuwento ni Ara.
Linggo nang gabi ay sabay silang nagpunta sa bahay ng kanilang ina, sinorpresa nila si Mommy Klenk, napahagulgol ito nang makitang magkayakap na ang kanyang mga anak na dati’y kulang na lang na magpatayan na sa pagbabangayan.
Ang dugo ay dugo. Saan man humantong ang isang problema ay mas mananaig pa rin ang dugo.
Sabi nga, blood is thicker than water.