WALA ngang kasiguruhan ang buhay-artista. Tama ang madalas sabihin ng mga beteranong personalidad na dapat, habang kumikita nang maayos ang mga artista, ay kailangan nilang mag-impok para sa kanilang kinabukasan.
Huwag ding hahaluan ng pagbibisyo ang pagdating ng magagandang oportunidad dahil ang katapusan nu’n ay isang alkansiyang butas.
Nabigyan ng pagkakataong makilala ang isang male personality. Marami siyang proyekto, wala na halos siyang tulog at pahinga dahil sa kasusyuting at kateteyping, mabenta siya nu’n sa merkado ng showbiz.
Pero parang hindi niya kinayang hawakan ang biglaang pagdating ng mga biyaya sa kanyang buhay, puro kapritso ng katawan ang inuna ng lalaking personalidad, kaliwa’t kanan ang kanyang babae at bukod du’n ay gabi-gabi siya kung magtapon ng pera sa kapapainom sa kanyang mga kaibigan.
Kuwento ng aming source, “Saka napabayaan ni ____ (pangalan ng male personality) ang family niya. Instead na ang wife at mga anak niya ang makinabang sa mga biyaya, ang mga kabarkada niya ang binusog nang husto ng male personality.
“Kumuha siya ng condo unit, hindi na siya umuuwi sa bahay nila, puro kabarkada ang kasama niya. Talagang nagpasasa siya, nakalimutan na halos niya ang mga taong anuman ang mangyari, e, palaging nandiyan lang sa tabi niya,” kuwento ng aming impormante.
Naubos ang datung ng male personality, dumalang ang kanyang trabaho, balik siya sa pagiging nganga. Pero masuwerte pa rin siya, nabigyan siya ng ikalawang pagkakataong makabawi, at sa pagkakataong ito ay iniwasan na niya ang pagbibisyo at ang mga taong nakasandal sa kanya dahil madatung siya.
“Bradly Guevarra, to cut the long story short, natuto na siya sa buhay ngayon, marunong na siyang mag-ipon, prayoridad na rin ng male personality ang kanyang pamilya ngayon,” pagbibigay pa ng clue ng aming source.