Kongresista namumudmod na para maging gob sa 2019

KATATAPOS pa lang ng eleksyon pero pumuposisyon na ang isang kongresista na gustong tumakbong gobernador sa 2016.

Halos linggo-linggo ay iniimbitahan niya sa mga happenings ang mga mayors sa kanilang lalawigan na malapit lang sa Metro Manila.

Matatapos na kasi ang termino ng kasalukuyang gobernador kaya alam niya na karambola na sa 2019 at malaki ang kanyang lamang dahil sa laki ng kanilang kayamanan na handang ipusta sa halalan.

Para hindi makalimutan ang kanyang pangalan, ngayon pa lang ay tinitiyak niyang maganda ang ugnayan nila ng mga alkalde sa kanilang probinsiya.

Hindi lang basta dining at drinking ang sagot ng ating bida dahil may pabaon pa siya sa mga kausap sa tuwing natatapos ang kanilang miting.

Umaapaw rin ang mamahaling mga alak hanggang sa mga masasarap na pagkain na ino-order pa niya abroad.

Ganoon din ang kanyang ginawa sa mga kasamahang kongresista kaya isa siya ngayon sa mga opisyal sa kanilang legislative bloc sa Kamara.

Wala namang bago sa style ng mambabatas na ito dahil pera rin ang kanilang ginamit ng kanyang misis noong nakalipas na halalan kaya sila nanalo sa pwesto noong eleksyon.

Mula vice-mayor hanggang sa mga konsehal, nakuha ng mga ito ang kanilang suporta kapalit siyempre ang malaking halaga ng pera.

Sa eleksyon sa 2019 ay ganito rin ang kanilang gagawin dahil “tried and tested” formula na raw ito.

At para matiyak na makukuha niya ang pinakamataas na posisyon sa lalawigan ay pinipilit niya ngayong makadikit sa mga opisyal ng gobyerno hanggang kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Nakahanda siyang iwan ang mga kasamahan sa talunang partido basta makakuha lang ng suporta mula sa pangulo.

Nakahanda na rin pati ang pagpasok sa politika ng ilan pang miyembro ng kanilang pamilya para matiyak na hahawakan nila ang liderato sa lungsod, congressional district at buong lalawigan.

Ang kongresista na ngayon pa lang ay pumoporma na para sungkitin ang gobernatorial post sa kanilang lalawigan ay si Cong. V….as in Villa.

Read more...