Frayna tabla sa 4th place sa World Juniors Chess

NAKIPAGHATIAN sa puntos sa ika-13 round si Women International Master (WIM) Janelle Mae Frayna ng Pilipinas upang tumapos na may kabuuang 8.5 puntos sa 2016 World Junior Chess Championships sa Kalinga Institute of Industrial Technology (KIIT) sa Bhudabaswar, India.

Sa huling round ay nakapag-draw siya kay Tianglu Gu ng China, dahilan para malaglag siya mula sa liderato. Kasalo ng 19-anyos at BS Psychology student na si Frayna ang apat na iba pang manlalaro para sa ikaapat na puwesto.

Gayunman, hindi pa matiyak kung sapat ang performance ni Frayna sa torneyo para mabigyan siya ng norm at makamit ang inaasam na titulong Woman Grandmaster (WGM). Kung saka-sakali ay siya ang magiging kauna-unahang WGM ng Pilipinas.

Nagkampeon sa torneo si WGM Dinara Saduakassova ng Kazakhstan na may 9.5 puntos. Nagsalo sa ikalawang puwesto sina PV Nandhidhaa ng India at Dinara Dordzhueva ng Russia na may 9.0 puntos.
Kasalo ni Frayna sa 4th place sina IM Paula Andrea Rodriguez Rueda ng Colombia, WIM Vaishali ng India at WIM Uurtsaikh Uuriintuya ng Mongolia.

Ayon kay National Chess Federation of the Philippines (NCFP) executive director Jayson Gonzales, posibleng magbigay ng WGM norm ang FIDE base sa ipinakita ng player. Samantala, nabigo naman ang Baku World Chess Olympiad-bound na si IM Paolo Bersamina sa tinanghal na kampeon na si GM Jeffery Xiong ng United States sa 12th round at kay Xu Yenglun ng China sa huling round para magtapos na may 7.5 puntos at tabla para sa ika-14 hanggang ika-27 puwesto sa boys division.

Read more...