MULING pinatunayan ng Estados Unidos kung bakit sila ang kinikilalang hari sa larangan ng basketball.
Pinabagsak ng America ang Serbia, 96-66, sa finals ng men’s basketball ng 31st Summer Games sa Rio De Janeiro Brazil upang muling angkinin ang korona sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Inulit ni Kevin Durant ang 30-point performance noong 2012 London Games finals tungo sa ika-15 gintong medalya ng koponan. Si DeMarcus Cousins ay nag-ambag ng 13 at may 12 markers si Klay Thompson upang walisin ang walang laro sa torneo at palawigin ang winning streak sa 25-0 matapos ang bronze finish sa 2004 Athens Games.
May hawak na 138-5 win-loss rekord ang USA sa Olympics sapul lumahok noong 1936.
Ang panalong ito ng Amerika ang huling ginto ng bansa sa pagtatapos ng 2016 Olympics upang tanghaling overall champion na may 46 gold- 37 silver- 38 bronze para sa kabuuang 121 medalya.
Naging emosyonal si New York Knicks star Carmelo Anthony, ang tanging manlalaro na napili sa apat na Olympic team at unang nagkamit ng tatlong gintong medalya sa basketball, sa kanyang huling laro sa koponan. Inihayag ng 32-taong beterano ang pagreretiro matapos ang 12 taong serbisyo sa national team.
Nakuha naman ni Cleveland Cavaliers guard Kyrie Irving ang ikalawang titulo sa taong ito kasunod ng makasaysayang kampeonato ng Cavs noong Hunyo. Sinamahan ni Irving ang mga kapwa first-time Olympians na sina Cousins, Thompson, Jimmy Butler, DeAndre Jordan, Kyle Lowry, Harrison Barnes, DeMar Derozan, Draymond Green, at Paul George na maibulsa ang gold medal.
Pangatlong sunod na ginto din ito para kay head coach Mike Krzyzewski matapos igiya ang USA sa nakalipas na dalawang Olympics. Ngunit tulad ni Anthony, ito rin ang kanyang pamamaalam sa koponan. Si coach Gregg Popovich ng San Antonio Spurs ang nakatakdang papalit sa kanyang iiwanang posisyon.
Kung nung preliminary round ay muntik nang makaiskor ng upset ang Serbia, sa laban na ito ay ibinuhos na ng mga kampeon ang matinding opensa at depensa upang limitahan ang silver medalist sa pinakamababa nitong iskor sa walong laro sa torneo.
Humugot ng lakas mula sa three-point area ang Amerika sa 32.3% shooting clip kumpara sa 16.7% ng Serbia. Dinomina rin ng mga Amerikano ang rebounding, 54-33, upang lumamang ng hanggang sa 41 puntos. Kinuha rin nila ang 30-13 bentahe sa fastbreak points.
Mayroong 14 puntos si Nemanja Nedovic para pangunahan ang Serbs habang mayroon lamang pinagsamang 23 markers ang mga top scorer na sina Bogdan Bogdanovic, Miroslav Raduljica, Milos Teodosic upang tumapos lamang sa silver medal- ang ikalawa para sa bansa sa loob ng 20 taon.
Samantala, inuwi ng Spain ang bronze kasunod ng 89-88 dramatikong panalo laban sa Australia.
Tumapos si veteran Pau Gasol ng 31 puntos at 11rebounds upang igiya ang mga Espanyol sa ikaapat nitong medalya sa 11 Olympic appearance. Ito ang unang tansong medalya ng bansa matapos ang silver medal finish noong 1984, 2008 at 2012.