Misis ng napatay na pusher inakusahan ang pulis ng police brutality

senate

HUMARAP kahapon ang emosyonal na buntis na nanay sa pagdinig ng Senado kung saan sinabi nito na naging biktima ng police brutality ang kanyang ka-live-in at kanilang dalawang-taong-gulang na anak na babae matapos ang isinagawang buy-bust operation noong isang buwan.
Kabilang si Harra Kazuo sa mga testigo na ipinatawag ni Sen. Leila De Lima sa pagdinig ng Senate committee of justice and human rights kaugnay ng umano’y extrajudicial killings sa bansa.
Sinabi ni Kazuo na gabi noong Hulyo 6, tatlong pulis ang pumasok sa kanilang bahay Pasay City at hinahanap ang kanyang ka-live in na si JP Bertes.

“Ang direct na salita po sa amin, nasaan daw po yung drugs?” sabi ni Kazuo.
Inamin ni Kazuo na pusher ang kanyang mister, bagamat sinabing plano na nilang sumuko sa pulis.
“Naghahanda po kami para isuko.. Kasi nga po natatakot nga ako na mamatay sya,” ayon pa kay Kazuo.
Ayon kay Kazuo, hinalughog ng mga pulis kanilang bahay at tinanggalan pa ng saplot maging ang kanilang dalawang-taong-gulang na anak na babae.
“Dere-deretso sila sa bahay dahil ako po noon noong makita ko yung isang pulis, tumalon ako, tumalon ako doon sa higaan ko. Sa pagkatalon ko po yung isang pulis, bumaling sa akin, yun po yung sinasabi kong bukbukin ang mukha. Natandaan ko po kasi yung mukha nya e. Hindi po ako nagtanda ng name nya,” ayon pa kay Kazuo.
Idinagdag ni Kazuo nandoon din ang kanyang nanay nang naghahalughog ang mga pulis.
“Umiyak po kasi ang bata so ang ginawa ko po kasi natakot din po sya sa biglang pagpasok ng mga pulis, kinarga ko po ang bata. Pagkarga ko po ng bata akala ng pulis may tinatago po ako dun sa bata, sa puwet ng bata. So ang ginawa po nya hinubaran po nya ng panty ang anak ko tapos binulatlat yung pwet ng bata,” ayon pa kay Kazuo.
Aniya, nagmakaawa pa si Bertes na wag siyang patayin sa harap ng kanyang pamilya.
Sinabi pa ni Kazuo na dumating ang kanyang biyenang lalaki na si Renato Bertes at dinala sila ng kanyang mister, bagamat wala namang natagpuang droga sa bahay.
Ikinulong ang mag-ama sa Pasay police SAID, o Station Against Illegal Drugs, detention cell, kung saan sila napatay matapos umanong mang-agaw ng baril.

Read more...