NAKALASAP ng kambal na kabiguan si Philippine No. 1 at Woman International Master (WIM) Janelle Mae Frayna upang mahulog sa ikalimang puwesto sa kabuuan matapos ang round 12 sa ginaganap na 2016 FIDE World Junior Chess Championships 2016 (for boys & girls under 20) sa KIIT University sa Bhubaneswar, Odisha, India.
Nalasap ng ninth seed na si Frayna (Elo 2292) ang ikalawang sunod na kabiguan Sabado ng gabi kontra sa No. 18 seed na si WIM Dharia S. Parnali (Elo 2203) ng India upang manatili sa natipon nitong 8.0 puntos at agad mapag-iwanan sa ikalima hanggang ikawalong puwesto patungo sa pinakahuling round 13.
Inokupahan ni WGM Dinara Saduakassova ng Kazakhstan (Elo 2423) ang No. 1 spot na may 9.0 puntos habang nasa ikalawa si WIM Dinara Dordzhieva ng Russia (Elo 2304) na may 8.5 puntos.
Magkakasalo sa 8.0 puntos sina WIM Alina Bivol Alina ng Russia, WIM PV Nandhidhaa (Elo 2151) ng India, Frayna, IM Paula Andrea Rodriguez Rueda (Elo 2321) ng Colombia, Parnali ng India at WIM Uurtsaikh Uuriintuya ng Mongolia.
Habang isinusulat ito ay kasagupa ni Frayna ang No. 14 seed na si WIM Tianlu Gu Tianlu (Elo 2239) ng China.
Samantala, nabigo naman muli ang No. 21 seed na si Shania Mae Mendoza (Elo 2191) kontra kay No. 32 seed WIM GK Monnisha (2101) ng India upang manatili sa natipong 5.5 puntos.
Nabigo rin ang National University student na si International Master Paolo Bersamina (Elo 2402) upang mahulog sa ikasiyam hanggang ika-13 puwesto sa nalikom na 7.5 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.