Mahindra Enforcers iginupo ang Blackwater Elite

Mga Laro sa Miyerkules
(Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. NLEX vs Meralco
7 p.m. San Miguel Beer vs Alaska

NAPANATILI ng Mahindra Enforcers ang kapit sa ikalawang puwesto sa team standings matapos patumbahin ang Blackwater Elite, 97-88, sa kanilang 2016 PBA Governors’ Cup elimination round game Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ang panalo ng Mahindra ay pumutol sa kanilang dalawang sunod na kabiguan na sinapit mula sa Phoenix Fuel Masters at NLEX Road Warriors.

Napalawig naman ang pagtatalo ng Blackwater sa limang diretsong laro.

Maagang rumatsada ang Enforcers sa pagsisimula ng laro at nagawa pang makalamang ng 16 puntos sa huling yugto kung saan hindi na nila pinadikit pa ang Elite hanggang sa matapos ang laban.

Si James White ay gumawa ng 23 puntos at 19 rebounds para pamunuan ang Mahindra na umangat sa 5-2 karta.

Si Aldrech Ramos ay nag-ambag ng 15 puntos habang si Paolo Taha, na tinanghal bilang Player of the Game, ay nagdagdag ng 13 puntos para sa Enforcers.

Kumana si Carlo Lastimosa ng 17 puntos habang si Eric Dawson, na nagbalik matapos magpahinga ng isang laro bunga ng back spasms, ay nagtala ng 15 puntos at 10 rebounds para pangunahan ang Elite na nahulog sa 1-6 kartada.

Sinabi naman ni Enforcers assistant coach Chris Gavina na lalo pang naglaro ng husto ang kanyang koponan nang malamang maglalaro ang kanilang playing-coach na si Manny Pacquiao.
“The players were inspired today especially with coach Manny,” sabi ni Gavina. “The players are extra motivated.”

Nagbalik din sa paglalaro para sa Mahindra ang point guard nitong si LA Revilla matapos mawala ng tatlong laro bunga ng nose injury. Hindi nakaiskor si Revilla sa 23 minutong paglalaro mula sa bench subalit nagbigay siya ng 10 assists.

“We got LA back from injury and he boosted our offense,” dagdag pa ni Gavina. “He is the extension of the coaching staff.”

Read more...