Myrtle nabiktima rin ng pambu-bully… pero natutong ipagtanggol ang sarili

myrtle sarrosa2

SINGLE na single ngayon ang Cosplay Queen at dating PBB Teen big winner na si Myrtle Sarrosa. Hindi priority ngayon ng dalaga ang magkaroon ng boyfriend dahil naka-focus ang attention niya sa career at pag-aaral.

Busy din si Myrtle sa promo ng kanyang album titled “Now Playing” under Ivory Music & Video kung saan nakapaloob ang lahat ng kanyang compositions, kabilang na ang isinulat niyang kanta featuring Abra, ang “Label”.

Ayon sa mga may copy na ng album, matatawag ding Hugot Album of the Year ang “Now Playing” ni Myrtle dahil sa mga kantang swak na swak sa mga taong nagmamahal, minamahal, pati na rin sa mga sawi sa pag-ibig.

Isa naman sa kaniyang mga hugot songs ang talagang pinag-ukulan niya ng panahon, ito ang “BrokenHearted”. Ayon sa dalaga, isang araw niyang isinulat ang kanta habang umiiyak.

Sa interview ng entertainment program na “Show-bizLive” hosted by Ervin Santiago and Izel Abanilla (na napapakinggan at napapanood sa Inquirer.Net, Inquirer Radio/TV, Bandera Facebook Live at sa ABS-CBN TV Plus every Wednesday 8 p.m.), inamin ni Myrtle na masaya naman siya kahit wala siyang boyfriend.

Hindi rin daw siya naghahanap ng dyowa dahil, “Masaya naman akong mag-isa.” Kering keri lang talaga ng dalaga ang pagiging #independent kahit pinu-push na rin siya ng kanyang bestfriend na si Nadine Lustre na magdyowa na. Dagdag ni Myrtle, wala rin daw nanliligaw sa kanya ngayon kaya talagang walang chance na magka-BF.

Pero sabi ng Kapamilya singer-actress-cosplayer, ilan sa mga qualities na hinahanap niya sa isang lalaki ay matalino, mabait at responsable sa lahat ng bagay.

At alam n’yo ba, tulad ng ibang kabataan, naging biktima rin si Myrtle ng matinding pambu-bully noong bata siya. Grade 1 siya nang maranasan niyang malagyan ng bubble gum sa buhok, mabato at tuksuhin ng kung anu-ano. May isa pa raw siyang kaklase na dumura sa kamay nito at isinampal sa kaniya.

Pero sabi ng singer-actress, hindi ito naging hadlang upang iwan niya ang pag-aaral, napamahal na rin kasi siya sa kanyang school na aniya’y isa sa mga magagandang eskwelahan sa Iloilo. Nagpakatatag na lang daw siya at nagdasal para hindi maapektuhan ang kanyang pag-aaral. Nu’ng sumunod na school year, hinarap niya ang mga nam-bully sa kanya at natutong ipagtanggol ang sarili.

Tila pinaglaruan pa nga raw sila ng tadhana ng isang nam-bully sa kanya noon, dahil makalipas ang ilang taon ay nagkita sila uli nito sa isang hotel – pagpasok niya ng kanyang kwarto naabutan niya ang dating kaklase na nag-aayos ng kama niya. Agad naman itong nanghingi ng tawad sa mga ginawang pambu-bully sa kanya noon.

Samantala, pagdating sa bashers, hindi na raw niya ito pinapatulan. May mga pangyayari lang na idinedepensa niya ang sarili sa maayos na paraan. Aniya pa, mas nasasaktan siya kapag ang mga bina-bash ay ang pamilya at mga kaibigan niya.

“Kasi ganu’n talaga ako, e. Wala sa akin ang pamba-bash, pero kapag mga kapamilya at kaibigan ko na ang sinasaktan, doon ako sumasagot. Pero mahinahon pa rin, hindi ako nakikipag-away kasi parang mas lumalala ang problema kapag negative rin ‘yung sinabi mo sa kanila. Mas nakikinig sila kapag maganda ang pagpapaliwanag mo,” aniya.

Wala pang bagong teleserye ang dalaga pero looking forward siya sa pag-iikot niya sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa kanyang advocacy, ang makatulong sa mga kapuspalad ng mga estudyante, katuwang ang bago niyang endorsement, ang Sisters Sanitary Napkins & Pantyliners.

Read more...