LUMAPIT pa si Philippine No. 1 at Women’s International Master (WIM) Janelle Mae Frayna sa layuning maging kauna-unahang Woman Grandmaster (WGM) ng Pilipinas.
Ito ay matapos na biguin niya si WIM Catherina P. Michelle ng India sa Round 10 at masolo ang liderato sa FIDE World Junior Chess Championships 2016 (boys & girls under 20) sa Bhubaneswar, India.
Gamit ang puting piyesa ay binigo ng 19-anyos at graduating Psychology student na si Frayna (Elo 2292) sa 55-moves ng King’s Indian opening ang 17th seed na si Michelle (Elo 2205) para sa ikaanim na panalo niya sa torneyo.
Siya ngayon ay may kabuuang 8.0 puntos.
Posibleng igawad ang GM at IM norms sa mga manlalaro na magpapakita ng mahusay na paglalaro kontra sa kanilang kalaban na may titles/ratings ayon sa FIDE Handbook requirements.
Si Frayna ay may dalawang WGM norms na at isa na lamang ang kailangan nito para makuha ang titulo.
Kapag nagkampeon siya rito ay awtomatiko rin siyang makakakuha ng WGM norm.
Ito ay dahil sa ang magwawagi sa 2016 World Junior Championship U20 (open/boys) ay agad ibibigay ang GM title habang sa 2016 World Girl Junior Championship u20 ay iuuwi ang WGM title. Ang tatanghalin na silver at bronze medalists sa dalawang kategorya (open/boys u20 at girls u20) ay iuuwi naman ang IM at WIM title.
Habang isinusulat ito ay makakasagupa ng seeded No. 9 na si Frayna ang seeded No. 5 na si IM Rueda Paula Andrea Rodriguez (Elo 2321) ng Colombia na nasa lima kataong nasa ikatlo hanggang ikapitong puwesto na may 7.0 puntos.
Muli naman nabigo para mahulog sa 39th place ang 21st seed WFM Shania Mae Mendoza (Elo 2191) upang magkasya sa natipon nitong 4.5 puntos para makisalo sa 10-kataong nasa ika-31 hanggang ika-41 puwesto. Nabigo si Mendoza sa 42nd seed na si Kannamma P. Bala (Elo 2039) ng India.
Samantala’y umangat sa ika-11 puwesto sa Open category si International Master Paolo Bersamina (2402) patungo sa huling tatlong round para makatipon ng kabuuang 6½ puntos at makisalo sa 7th to 11th place. Nahulog naman sa ika-74th sa kasaling 80 si Paul Robert Evangelista (2020) matapos muling mabigo at maiwan sa tatlong puntos.
Tinalo ni Bersamina gamit ang itim na piyesa sa matinding upset ang Grandmaster mula Germany na si Dennis Wagner (Elo 2572) sa 66 moves ng King’s Indian upang patatagin ang tsansa na makamit ang kanyang ikalawang norm tungo sa pagiging pinakabagong GM ng bansa.