TNT KaTropa nasungkit ang ikaanim na diretsong panalo

Laro Ngayon
(Panabo City, Davao del Norte)
5 p.m. Alaska vs Star

NAPANATILI ng TNT KaTropa Texters ang kanilang malinis na kartada sa 2016 PBA Governors’ Cup matapos padapain ang Phoenix Petroleum Fuel Masters, 124-117, at mahablot ang ikaanim na diretsong panalo kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Nanatiling walang talo ang Texters habang nagwakas naman two-game winning streak ng Fuel Masters na nahulog sa 2-4 kartada.

Nagtala ang TNT ng league season-high 19 na 3-pointers na naging sixth all-time sa kasaysayan ng PBA.
“We shot the ball well especially Michael [Madanly], and we made shots to break the game open,” sabi ni Katropa head coach Jong Uichico. “And we also played good defense.”

Tumira ang TNT ng 54 porsiyento sa kanilang field goal shooting habang nalimita nila ang Phoenix sa 46 porsiyento.

Agad na rumatsada ang Texters sa pagbubukas ng ikatlong yugto sa paghulog ng 22-6 arangkada para maiwanan ang Fuel Masters.

Uminit ang mga kamay ni Madanly tungo sa pag-iskor ng team-high 30 puntos kabilang ang 24 puntos mula sa 3-point  area habang si Mychal Ammons ay nagdagdag ng 22 puntos at 18 rebounds para sa TNT.

Pinamunuan ni Eugene Phelps ang Phoenix sa itinalang game-high 49 puntos at 18 rebounds.

Samantala, magpipilit ang Alaska Aces at Star Hotshots na wakasan ang kani-kanilang losing streak sa paghaharap nila ngayong alas-5 ng hapon sa Panabo Multi-Purpose Tourism, Sports and Cultural Center sa Panabo City, Davao del Norte.

Magmumula ang Alaska sa tatlong sunod na kabiguan na sinapit nito sa kamay ng TNT (120-118), Mahindra (101-95) at Rain or Shine (117-114).

Ang Star ay manggagaling naman sa dalawang diretsong pagkatalo na pinalasap ng San Miguel Beer (109-100) at NLEX (88-85).

Read more...