KAHIT kulang sa tulog dahil kagagaling lang niya sa New Jersey, USA, ay magiliw pa ring humarap si Julia Montes sa entertainment press na bumisita sa taping ng seryeng Doble Kara ng Dreamscape Entertainment noong Huwebes ng tanghali.
Hirit namin kay Julia kung meron pa siyang jetlag, “As of now, wala pa po, hindi ko pa nararamdaman.” Samantala, isang taon na pala sa Agosto 24 ang Doble Kara at posibleng umabot pa ito hanggang 2017 dahil consistent pa rin ang mataas na rating nito.
Kuwento nga ni direk Erik Salud, “Sabi ng management, tuluy-tuloy lang kami kaya tuloy lang kami sa taping.” So, aabot nga ito hanggang next year? “Baka, siguro, hindi rin namin masabi kasi as of now ang ganda ng ratings at maganda ang feedback, so baka,” sagot ni direk Erik.
Hirit naman ni Julia, “Ang saya po kasi mabibigyan kami ng mahaba-habang pagsasama naming lahat, talagang iba po ‘yung journey na pinagdadaanan talaga nu’ng kambal.”
Ang tinutukoy nga ng dalaga ay ang dual role niya sa serye bilang sina Sara at Kara, at natanong nga namin siya kung natsa-challenge pa rin siya sa ginagawa niya at kung hindi ba siya napapagod, “Actually, okay pa naman po, siguro minsan po, emosyonal. Nagiging sensitive minsan sa karakter kasi may pinagdadaanan.
“Pero ang sarap sa pakiramdam kasi ang ganda nagsimula ng kuwento, klarong-klaro ‘yung characters po ng dalawang kambal so ngayong may dilemma ‘yung dalawa tapos nag-aagawan sa isang bata, masakit both, pero klaro po ‘yung pagkakasulat,” aniya pa.
Samantala, maraming nakapansin na level-up na talaga ang pagiging aktres niya, kaya ang hirit ng press kung binibigyan ba siya ng tips ni Coco Martin sa pag-arte dahil gumanap na ring kambal ang aktor sa FPJ’s Ang Probinsyano bilang sina Cardo at Ador.
Tumawa ang aktres nang marinig ang pangalan ni Coco, “Alam ko, before, bago nag-start, nakapag-advise siya. So ‘yun po, parang nasabi lang niya na aralin kong mabuti ‘yung karakter para hindi ako maliligaw, ‘yun ang exact words niya.”
q q q
Parehong busy sina Julia at Coco ngayon kaya tinanong din kung may komunikasyon pa sila, “Paminsan-minsan po.” Sundot namin kung dumadalaw si Coco sa bahay nila since magkapitbahay na sila.
“Wala po, eh. Kasi, ang day-off ko lang po, Sunday saka Wednesday, minsan, pinupuntahan ko sina Mama sa kabilang bahay. So talagang busy rin,” namumulang sagot ng dalaga. Kumusta naman ang personal na buhay niya, para kasing puro work na lang ang ginagawa niya, “Okay naman po. Masasabi ko naman na tahimik, masaya and blessed na blessed ako sa lahat ng bagay.”
Mas marami ang naniniwala na sila na ni Coco, ano ang masasabi niya rito? “Huwag po nating madaliin. Relax lang po tayo. Nakaka-pressure ang mga tanong n’yo, grabe!” natatawang sagot ni Julia.
Sinabi kay Julia na inamin ni Coco na may nagpapakilig sa kanya ngayon at obviously siya ang tinutukoy ng aktor, “Flattered po, kasi kahit ako naman po, pag tinatanong, siya rin naman ang pinaka-close ko.”
Sundot namin kung si Coco rin ba ang nagpapakilig sa kanya? Muling natawa at namula ang dalaga sabay sabing, “Kayo, ha? Ang hirap ng mga tanong n’yo.” Biro namin sa dalaga, mahirap talagang sagutin ang mga tanong kapag may itinatago at natawa na lang ang Kapamilya drama princess.
Walang permanenteng ka-loveteam si Julia ngayon, parang si Coco pa lang ang masasabing naging consistent partner niya dahil maraming beses na silang nagtambal tulad sa mga seryeng Walang Hanggan, Ikaw Lamang, Wansapanataym at sa pelikulang “A Moment In Time.”
Mas okay ba kay Julia na walang ka-loveteam? “Masasabi ko lang po, ang suwerte ko. Tulad ngayon, may sarili akong ka-loveteam, ang kakambal ko (Sara at Kara) which is ako pa rin. So, wala po akong masyadong iniisip, wala akong masyadong pressure.
“And siguro, mas nae-explore ko ‘yung mga katrabaho dahil marami akong nakaka-partner, lalo na sa show na ito, na per character, may mga ka-partner,” pahayag ng dalaga. Hirit namin uli sa dalaga kung may usapan ba sila ni Coco na bawal silang magkaroon ng ka-loveteam dahil wala ring partner ang aktor sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Natawa na lang ang aktres sabay dialogue ng, “Grabe naman ‘yan.” Samantala, malaki rin daw ang posibilidad na mag-crossover ang mga karakter nina Julia at Coco sa kani-kanilang serye dahil pareho silang nasa Dreamscape. Kaya iyan ang magandang abangan.