NAPAIYAK si Yeng Constantino sa media conference para sa bagong original Pinoy musical na “Ako Si Josephine” kung saan mapapakinggan ang kanyang mga hit songs.
Hindi napigilan ng award-winning singer-composer na mapaluha habang pinanonood ang ilang excerpts sa play na mapapanood na simula sa Sept. 8 hanggang Oct. 9 sa PETA Theater Center sa New Manila, Quezon City, produced by Cornerstone Entertainment and ABS-CBN.
Ito’y bahagi pa rin ng ika-10 taong anibersaryo ni Yeng sa showbiz kaya naman naging emosyonal ang Kapamilya performer habang sumasagot sa mga tanong ng press.
“Three years ago, naitanong ko sa sarili ko kung deserve ko na magkaroon ng ganito klase ng proyekto na matatawag na mga awitin ko na lalagyan ng magandang story at kakantahin ng magagaling na theater performers. Wow! Totoo pala mangyayari pala talaga!” ang bahagi ng pahayag ni Yeng.
Pagpapatuloy pa ng Pop Rock Superstar, “Thank you sa lahat ng nag-audition karamihan sa inyo mas matagal pa sa akin sa industry at isang malaking karangalan sa akin na kantahin nyo at magawan ng acting ang aking mga awitin.”
Sey pa ni Yeng, hanggang kaya ng schedule niya ay gabi-gabi siyang manonood ng “Ako Si Josephine”, “Ngayon pa lang po proud na proud ako sa kung ano man na kalalabasan nitong sinisimulan namin.
Hindi ko po talaga ma-explain yung feeling. I’m just so blessed lang talaga at ako ang napili for this big event at biniyayaan po ako ni God at ‘di naman po lahat ay nagkakaroon ng pagkakataon na ganito.”
Ang “Ako Si Josephine” ay isang romantic-comedy, “Pero maganda ang twist niya, makulay ito at parang fantasy. After mong mapanood ‘yung play, parang itatanong mo sa sarili mo, paano kung ang buhay mo ay walang love song? Kung iisipin mo, ano kaya biglang tatanggalin ang mga love songs sa radyo at TV, ano kaya ang kulay ng mundo?”
Bibida bilang si Josephine sa play ang komedyanang si Via Antonio na ilang beses na ring napanood sa ilang serye ng GMA 7. Magiging ka-alternate naman niya si Maronne Cruz na isa ring magaling na stand-up comedienne.
Makakasama rin dito sina Jon Santos at Ricci Chan bilang si Monotomia bilang major-major kontrabida sa play, at si Joaquin Valdez na siyang napili bilang leading man ni Josephine – ang charming at gwapong si Chinito. Ito’y isinulat ni Liza Magtoto at sa direksyon ni Maribel Legarda from the musical direction of Myke Solomon.
For ticket inquiries, call lang kayo sa Ticketworld, 891-9999 or visit www.ticketworld.com.ph.