MAY hiling si Robin Padilla kay Pangulong Digong tungkol sa problema ng showbiz sa ilegal na droga.
Sa ginanap na press launch ng Bravo Food Supplement for men na ineendorso ng magkapatid na Robin at Rommel Padilla, nahingan si Binoe ng reaksiyon sa balitang hawak na ng pamahalaan ang listahan ng mga celebrity na involved sa illegal drugs. Kilalang tagasuporta ni Duterte si Robin.
“Wala pong masamang tinapay ang mahal na Pangulo sa atin, nagbibigay po siya ng serbisyo sa atin. Ang ginagawa po niya ay para sa bansa po ito para sa atin. Ang pwede natin ipakiusap sa showbiz world kay Presidente ay yun po mga pa-ngalan ng artista ay wag muna ilabas,” pahayag ng action star.
Ang hiling pa ng mister ni Mariel Rodriguez, sana raw ay bigyan muna ng chance na makapagpaliwanag ang mga artistang sinasabing sangkot sa droga, “Sana magkaroon muna ng dialogue ang mga artista at mga manager sa iba’t ibang ahensya sapagkat ang artista po ay mga tax payers din sila at sumusunod din sa batas kung ano man ang kanilang kakulangan at pagkakamali sana po ay mapag usapan.”
Hirit pa ni Binoe, “Hindi po ako nagsasalita para sa mga pusher, wala po kayong lugar, pero po ang mga user sana po mabigyan sila ng puwang dahil sila ay biktima din.”
Samantala, inamin ni Robin na diet siya ngayon sa sex dahil nga buntis ang asawang si Mariel. Pinayuhan daw sila ng doktor na huwag munang magniig para masiguro ang kaligtasan ng kanilang baby.
Kaya sey ni Binoe, pagkatapos manganak ni Mariel, susubukan niya agad ang Bravo Food Supplement for men na sinasabing mas magpapatibay pa sa relasyon ng mga mag-asawa dahil sigurado raw laging palaban si mister.