ISANG police official ang nasa hot water ngayon makaraan ang naganap na kidnapping sa kanyang nasasakupang lalawigan kung saan mga pulis umano ang dumukot sa isang mayamang Filipino-Chinese.
Dahil sa mabagal na pagtugon ng nasabing opisyal hindi nadakip ang mga suspek sa ikinasang entrapment operations laban sa mga suspects.
Nangyari ang kidnapping sa isang industrial complex na malapit lamang sa Metro Manila.
Siguro may idea na kayo kung saan Ito?
Pinasok ng mga naka-sibilyan na nagpakilalang mga tauhan ng PNP ang bodega na pag-aari ng biktima.
Nagpakita ng warrant of arrest ang mga armadong “pulis” pero bago pa man matapos basahin ng biktima ang nasabing dokumento ay sapilitan nang tinangay ang negosyante,sakay ng isang van na walang plaka.
Makalipas ang ilang sandali ay nakatanggap ng tawag ang pamilya ng biktima kung saan humihingi ng P1.5 milyon ang mga kidnapper para mapalaya ang biktima.
Tumawad ang mga kaanak ng biktima kaya napababa ang ransom hanggang sa P900,000.
Nagkasundo ang magkabilang panig, naganap ang pagbabayad ng ransom at napalaya ang biktima.
Pero ang ipinagtataka ng mga kaanak ng biktima ay kung bakit hindi nahuli ang mga suspects.
Hindi raw kasi nagbigay nang dagdag na mga pulis ang police official na bida sa kwento natin ngayong araw.
Hindi nasundan ang mga suspects kaya nakatakas ang mga ito.
Duda tuloy ng mga kaanak ng biktima na baka nga ay totoong mga pulis ang suspects sa kidnapping kaya parang walang ganang tumulong ang tinutukoy nating PNP official para malutas ang kaso.
Hanggang ngayon ay umiiwas ang opisyal na ito na magbigay ng statement sa media dahil sa totoo lang ay wala naman siyang maibibigay na impormasyon dahil parang may pinagtatakpan siya.
Ang opisyal na baka ngayon ay pinagpapaliwanag na sa Camp Crame ay si Mr. C….as in Cash.