Sam Milby planong pakasalan ang dyowang Brtish-Japanese sa 2019

sam milby at mari jasmin

PAGKALIPAS ng mahigit na anim na taon ay hindi na “sawi” sa pag-ibig si Sam Milby dahil natagpuan na niya sa wakas ang babaeng muling nagpatibok ng kanyang puso.

Tulad ng ilang beses na naming nasulat, girlfriend na ni Sam si Mari Jasmine Jones, kilalang ETC host, food blogger at model. Half-Japanese at half-British si Jasmine na ipinanganak sa Tokyo, Japan pero sa Australia lumaki.

Sa solo presscon ni Sam para sa pelikulang “Camp Sawi” ng Viva at N2 Films ay nagkuwento ang binata kung paano sila nagkakilala ni Mari Jasmine sa pamamagitan ng social media.

Hindi itinanggi ng aktor na siya ang unang nag-follow kay Mari Jasmine sa Twitter at eventually sa Instagram (panay ang like niya sa mga post ng modelo).

“Ako ang nauna, may common friends kami but it’s funny kasi matagal na siya sa Pilipinas, pero never kaming nagkita, sa event or anything, wala,” natatawang kuwento ni Sam.

Kaya naman panay ang pasalamat niya sa social media, “Thank you talaga sa Twitter, thank you Instagram,” tumatawang sabi pa ng aktor.

At dahil food blogger nga si Mari Jasmine ay siguradong marunong itong magluto kaya natanong ang aktor kung ano ang paborito niyang putahe na laging niluluto ng kanyang girlfriend.

“Hmmmm, favorite dish?” at sabay bulong ng binata na narinig naman sa recorder, “Ayokong i-share, kahit ganu’ng detalye ayaw ko sana.”

“Kasi ganu’n siya (Mari Jasmine), whatever in terms of details, she’s putting on social media (hindi detalyado),” katwiran ng aktor.

Pero hindi pa rin siya tinantanan ng press kung anong luto ni Jasmine ang gustung-gusto niya.

At nabanggit na rin ni Sam na, “She makes really good coconut milk, home made coconut milk, then grilled salmon.”

Sa ilang taong zero lovelife si Sam ay aminadong marami siyang natutunan sa buhay at in-assess niya ang sarili kung saan siya nagkulang o anong pagkakamali ang nagawa niya sa kanyang past relationships.

Kaya ngayon alam na niya na kapag nagmahal siyang muli tulad nga nitong relasyon nila ni Mari Jasmine, sobrang ingat na ingat na siyang magbigay ng detalye sa publiko dahil gusto niyang maging pribado ang kanilang pagsasama tulad din ng gusto ng dalaga.

Sa edad na 32 ay hoping si Sam na si Mari Jasmine (27 na ngayon) na ang gusto niyang makatuluyan at ang plano niya pagtuntong ng edad 35 ay magpapakasal na siya.

Kaya biro namin sa binaya na pagkalipas ng tatlong taon ay 30 na si Mari Jasmine at puwede na niyang yayaing pakasal, “Sana, I hope so,” sambit ng aktor.

Samantala, nag-enjoy nang husto si Sam sa shoot ng “Camp Sawi” dahil pawang mababait daw ang co-stars niya sa movie tulad nina Andi Eigenmann, Bela Padilla, Kim Molina, Yassi Pressman at Arci Muñoz.

“I feel very blessed that I was able to be part of this movie, kasi yung movies na ginagawa natin dito, we love to be kilig. We do so many movies about teen kilig but yung aftermath ng mga relationship, walang masyadong movies na ganyan,” katwiran ng aktor.

Sa limang babaeng bida sa “Camp Sawi” ay inamin ni Sam na mas nagswak sila ni Arci dahil pareho silang rakista at iisa ang musika nila kaya madali silang naging close sa set.

At hindi lang sa girls tugma ang tema ng “Camp Sawi” dahil maging si Sam daw ay nakaka-relate sa titulo ng pelikula dahil naging sawi nga siya ng ilang taon kaya naman bagay din sa kanya na maging camp master dahil alam na niya kung paano tulungan ang mga karakter nina Andi, Bela, Yassi, Kim at Arci sa pelikula kung paano makapag-move on.

Mapapanood na ang “Camp Sawi” sa Agosto 24 mula sa Viva at N2 Films sa direksyon ni Irene Villamor.

Read more...