IGINIIT kahapon ng Palasyo na hindi magso-sori si Pangulong Rodrigo Duterte kay Sen. Leila de Lima matapos siyang tawaging imoral sa pagsasabing pawang katotohanan lamang ang tinuran ng presidente.
“Bakit naman magso-sori? May ginawa ba siyang masama do’n? She had it coming. She has been repeatedly warned that yung ginagawa niyang paninira kay Presidente, for six years, sinisiraan niya si Presidente Duterte, d’ba?” sabi ni Presidential Chief Legal Counsel Salvador “Sal” Panelo.
Idinagdag ni Panelo na nauna umano si De Lima sa kanyang ginawang paninira kay Duterte sa nakalipas na mga taon.
“Sinasabi niyang involved iyan sa ano, siya yung behind the DDS (Davao Death Squad). But naging chairman ng Commission on Human Rights, naging Secretary of Justice, she may have filed any case. So for six years, siniraan niya ng siniraan si Presidente Duterte, wala siyang narinig at sinasabihan niyang huwag mo akong pilitin kasi public official ka, baka may problema ka. Ayan, hindi naman siya tumitigil so there it is,” giit ni Panelo.
Ayon pa kay Panelo, konektado sa pagiging halal na opisyal ng gobyerno ang mga ipinahayag ni Duterte laban kay De Lima.
‘So that encompasses within the duty of the President to serve and protect the people and to inform the state of the nation of whatever is being done by the government officials and whatever situation we are in now,” paliwanag pa ni Duterte.
Sinabi pa ni Panelo na bilang opisyal ng gobyerno, dapat malaman ng publiko ang anumang iligal na aktibidad ng isang halal na opisyal.
Kasabay nito, sinabi ni Panelo na hindi rin itinatago ni Duterte ang pagkakaroon ng maraming babae.
“He never denied having girlfriends. He was open to the public. Saka isa pa, he’s binata naman. He has not committed any crime,” giit ni Panelo.