Cray, Sunang bigong makapasok sa finals

TANGING si taekwondo jin Kirstie Elaine Alora na lamang ang natitirang tsansa ng Pilipinas sa posibleng dagdag na medalya matapos na kapwa mabigo ang mga pambato sa athletics na sina Eric Shauwn Cray sa 400m hurdles at three-time Olympian Marestella Torres-Sunang sa 2016 Rio Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.

Nabigong makapagkuwalipika si Cray sa pagtakbo nito sa semifinals umaga ng Miyerkules (PH time) sa pagtala lamang ng mas mababa na 49.37 segundo para sa nakakadismayang ikapitong puwesto sa unang semifinals heat.

Ang tiyempo nito ay mas mabagal sa kanyang unang itinala na 49.05 sa qualifying heats noong Lunes.

Idinahilan naman ni Torres-Sunang ang injury sa kanyang kaliwang balakang na natamo sa warm-up at nagtulak dito upang mag-ingat sa kanyang pagtalon sa competition proper ng women’s long jump.

Dahil sa iniinda ay nabigo ang three-time Olympian na makatuntong sa finals at magkasya lamang sa ika-28 puwesto mula sa 38 kasali sa qualifying round sa naitala nitong best jump na 6.22 metro sa kanyang unang talon. Tatlong beses itong na-fault at nakatalon ng mas mababa na sukat sa huling dalawa.

“Sumasakit kapag binibilisan ko pagtakbo,” sabi ni Torres-Sunang.

Matatandaan na nagawang tumalon ni Torres-Sunang ng layong 6.72 metro upang makapagkuwalipika sa Rio at ilang buwan ay nagwagi sa National Open sa natalon na 6.60 metro. Ang itinala nito na 6.22 metro ay naglagay dito para sa 14th spot sa Group B.

Ang tinalon ni Sunang-Torres ay katulad sa nakamit nito sa 2012 London Olympics kung saan naabot lamang nito ang 6.22 metro matapos nitong irehistro ang ikalawa nitong personal best at rekord na 6.71 metro para magwagi ng gintong medalya sa 2011 Southeast Asian Games.

Read more...