Tsinoy na nakidnap

BALIK trabaho si Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte, matapos itong tumungo sa Camp Crame upang tugunan ang ultimatum na siya’y sumurender dahil sa kanyang pagkakasangkot sa pagbebenta ng iligal na droga.

Doon na raw natutulog si Mayor sa kanyang opisina at hindi na umuuwi dahil baka raw isalvage siya ng mga pulis.

Bakit nga pala hindi pa sinalvage si Espinosa at mga politicians na pinangalanan ni Pangulong Digong kamakailan na sangkot sa droga?

Bakit sinasalvage ang mga ordinaryong drug pushers samantalang ang mga puno, na pinanggagalingan ng shabu, ay hindi ginagalaw?

Si Espinosa at ang kanyang anak na si Kervin ay sumira ng maraming tao sa Eastern Visayas na naging addict dahil sa drogang kinalat ng mag-ama.

Bakit hindi pa sinalvage si Congressman Celeste ng Pangasinan at ang kanyang kapatid na mayor na si Arthur, mayor ng Alaminos City, na diumano’y distributor ng shabu sa kanilang lugar?

Hindi pinaliligtas ang mga gusgusing drug pushers, pero sina Espinosa at Celeste brothers parang binigyang pagkakataon na magbago.

Unfair! Dapat ay mas lalong hindi pinaliligtas ang mga Espinosa at Celeste dahil sila ang puno, sa kanila nanggaling ang shabu sa kani-kanilang lugar.

Bakit hindi rin sinalvage ang mga pulis na nasa Duterte Drug List?

Bakit hanggang ngayon ay buhay pa sila?

Bakit pinaligtas ang mga judges na kasama sa Duterte Drug List?

Ang tawag sa ganoong sistema ay compartmentalized justice o hustisya para sa mga mahihirap at hustisya sa mga maiimpluwensiya.

Noong si Pangulong Digong ay mayor pa ng Davao City , kapag binasa niya ang mga taong nasa listahan niya na mga pasaway, isa-isa itong nawawala o kaya’y natatagpuan na lang na nakabulagta sa kalsada.

Bakit mukhang lumambot na yata si Digong kapag ang pinag-uusapan ay mga maimpluwensiyang tao na sabit sa droga?

Kinidnap ang kaibigan kong Tsinoy na negosyante sa kanyang bodega sa Meycauayan, Bulacan ng apat na armadong lalaki noong Lunes ng gabi.

Pinakawalan ang aking kaibigan, na hindi ko pangangalanan, matapos magbigay ng P1.6 million ransom sa mga kidnappers.

Kung hindi pa nakialam si Sen. Ping Lacson, dating chief ng Philippine National Police (PNP), baka hindi pa napakawalan ang negosyante.

Alam ba ninyo kung sino ang kumidnap sa negosyanteng Tsinoy?

Ilang miyembro ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Isa sa mga kidnappers ay nakilalang si Chief Insp. Marvin Pedere ng CIDG Region 3 sa Central Luzon.
Nang tinawagan ko ang mga opisyal na nakakaalam sa kidnapping, ayaw silang magbigay ng pahayag.

Sina Chief Supt. Roel Obusan, CIDG chief, at Senior Supt. Romeo Caramat, Bulacan PNP provincial director, ay ayaw magbigay ng pahayag dahil dumadalo daw sila sa PNP Foundation Day kahapon.

Nakakapanghinala ang ayaw nilang magbigay ng impormasyon tungkol sa kidnapping incident; baka ‘kako ay may cover-up.

Pero ito ang napag-alaman ko tungkol sa insidente.

Nasa bodega ang aking kaibigang negosyante nang ito’y pasukin ng apat na lalaki na bitbit ang mga M-16 Armalite at .45 caliber pistol.

Ang sabi nila ay may warrant sila.

Nang tanungin sila kung saan ang warrant ay kinaladkad ng mga ito ang negosyante.

Kinaumagahan ay nagbayad ang pamilya ng biktima ng P700,000 sa mga kidnappers.

At noong Martes ng umaga, nagbayad uli ng P900,000 sa mga kidnappers.

Nakialam si Lacson dahil kaibigan din niya ang negosyante.

Ang senador ang nag-insista na lagyan ng invisible ultraviolet powder ang P900,000 ransom money na ibibigay noong araw na iyon sa mga kidnappers.

Mga CIDG agents ang nagdala ng ransom money.

Pero alam ba ninyo ang nangyari? Nakawala ang mga kidnappers!

Pu**^%$#! Nakawala o pinakawalan dahil kapwa nila CIDG?

Pinaalam ko na kay Pangulong Digong ang kidnapping incident sa pamamagitan ni Bong Go, ang kanyang close aide.

Read more...