OFWs wagi sa One-Stop-Shop

MABILIS na nakumpleto ang pinagsama-samang mga ahensya ng gobyerno sa iisang lugar upang doon na lamang paikot-ikot ang ating mga OFW para sa pagpoproseso ng mga dokumentong kakailanganin nila sa kanilang pag-aabroad.

Alinsunod sa kanyang pahayag sa kanyang State of the Nation address (SONA), sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na itatayo sa lalong madaling panahon ang naturang one-stop shop para sa ating mga OFW.

Palibhasa’y may direktiba ang Pangulo kung kaya’t mabilis itong nabuo.

Sa pangunguna ni Labor Secretary Silvestre Bello III at POEA Administrator Hans Leo Cacdac, pinasinayaan noong Lunes ang naturang one-stop shop sa mismong gusali ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa Ortigas, Mandaluyong City. Ito ang siyang tutugon sa nais ng pangulo na matapos ang naturang processing sa loob ng 72 oras lamang.

Labis namang ikinatuwa ito ng ating mga OFW at nakatanggap ang Bantay OCW ng positibong mga reaksyon mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ayon na rin sa ating mga katuwang mula sa iba’t-ibang panig ng Asya, Amerika, Europa, Middle East at United Arab Emirates.

Nangangahulugan kasi itong malaking katipiran sa mga gastusin ng isang OFW na nag-aaply patungo sa ibayong dagat. Siyempre bukod pa sa maraming oras na ginugugol nila sa pagba-biyahe patungo sa iba’t-ibang mga ahensyang ito lalo pa’t napaka-traffic sa Metro Manila.

Para sa mga naunang nabiyayaan ng naturang serbisyo, nasabi nilang mas maraming oras na ngayon umano ang kanilang gugugulin sa kanilang mga pamilya sa mga panahon ng kanilang pagbabakasyon sa halip na nagtutungo sila sa iba’t-ibang mga tanggapang ito.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagawang pagsama-samahin sa POEA ang 14 na mga ahensiya ng gobyerno, kasama na rito ang Department of Foreign Affairs (DFA), National Bureau of Investigation (NBI), Social Security System (SSS), PAG-IBIG Fund, Commission on Higher Education, Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), PhilHealth, Professional Regulation Commission (PRC), Technical Education, Skills and Development Authority (TESDA), Maritime Industry Authority (MARINA) at ang Bureau of Immigration.

Ayon kay Cacdac, kasabay nito, inilunsad din ang POEA 24/7 hotline na tatanggap ng mga tanong, reklamo at anumang serbisyong ninanais ng isang OFW.

Patunay lamang umano ito na seryoso ang Duterte administration sa mga pangako nito sa ating mga OFW na pagagaanin nila ang kanilang mga buhay sa panahong naririto sila sa Pilipinas dahil alam nilang labis ang pagsasakripisyo ng ating mga kababayan sa kanilang mga pangingibang-bayan.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...