‘Hindi tamang sisihin si Bistek sa pagiging drug user ni Hero!’

herbert at hero bautista

NAGSALITA na ang dating teen actor na si Hero Bautista. Totoo ang mga haka-haka at kuwento, gumagamit nga ito ng ipinagbabawal na gamot, anumang oras ngayon ay ipapasok na sa rehabilitation center ang kapapanalo pa lang na konsehal sa kanyang distrito sa Quezon City.

Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay, ang nangyari dahil sa halip na si Hero ay ang mayor nitong kapatid na si Herbert Bautista ang sinentruhan ng iba nating kababayan.

Malaking kasiraan daw ito sa imahe ng aktor-pulitiko, isa raw si Mayor Herbert sa mga aktibo sa pagpuksa ng droga sa kanyang komunidad, pero ang kapatid pala niya ang isa sa mga unang-unang dapat niyang ipahuli-ipakulong.

Sinisisi rin ng iba si Mayor Herbert, hindi raw niya nagabayan nang maayos ang nakababata niyang kapatid, kaya ito gumamit ng ipinagbabawal na gamot.

Kailan pa naging kasalanan ni Pedro ang maling ginawa ni Juan? May kani-kanyang buhay ang magkapatid, hanggang sa pagpapayo at paggabay lang ang maaaring ibigay ng mayor ng Kyusi kay Hero, pero ito pa rin ang magdedesisyon para sa isang diretsong buhay.

Lampas na sa wastong edad si Hero, alam na nito ang tama at mali, kaya sa kinasadlakan nito ngayon ay walang ibang dapat sisihin kundi ang kanyang sarili lang.

Binibigyan tayo ng pamimilian. Kaliwa ba o kanan ang daan na kailangan nating tahakin? Nasa ating pagdedesisyon ang ikagaganda at ikasisira ng ating buhay. Sabi nga buntot mo hila mo, sungay mo sunong mo.

Ang nangyari kay Hero Bautista ay resulta ng kahinaan nito, hindi nababantayan ni Mayor Herbert nang beinte kuwatro oras ang kanyang kapatid, kaya ang pagkakamali ni Pedro ay hindi puwedeng isisi kay Juan.

Read more...