Mary Joy Tabal tumapos sa ika-124 pwesto sa Rio Olympics

PINILIT ni Philippine bet Mary Joy Tabal na itala ang kanyang pinakamabilis na takbo subalit hindi nito nagawang iwan ang pinakamatitinding kalaban upang tumapos lamang na nasa ika-124th na tumawid sa finish line Linggo sa ginanap na 2016 Rio Olympic women’s marathon.

Tinawid ng 27-anyos na Cebuana na si Tabal ang 42.195 kilometrong karera sa loob ng 3 oras, 2 minuto at 27 segundo na malayo sa kanyang itinalang personal best na 2 oras, 43 minuto at 31 segundo na nagtulak dito para magkuwalipika sa kada apat na taong torneo.

Ang oras ni Tabal ay 38 minuto at 23 segundo mabagal kontra sa nag-uwi ng gintong medalya na si Jemima Jelagat Sumgong ng Kenya (2:24:04).

“Maganda pa ang run ko sa start pero halfway, naramdaman ko na ang bigat sa katawan ko at parang namamanhid ako sa sobrang init,” sabi ni Tabal.

Agad napag-iwanan si Tabal sa pagsikad ng pinakamahuhusay na marathoner sa mundo bunga ng napakabilis na tiyempo sa karera sa mainit na panahon bago na lamang nagkasya na tapusin na karera na mababa sa kanyang itinalang oras sa paglahok sa Scotiabank Ottawa Marathon sa Canada. Dalawampu’t-
apat na kasali ang hindi nakatapos sa karera.

Tinapos naman ni golfer Miguel Tabuena ang kanyang kampanya sa Olimpiada matapos itala ang pinakamaganda nitong laro na one-under par 70 para sa kabuuang 291 strokes matapos ang apat na araw ng kompetisyon sa men’s golf individual stroke play.

Una nang nahirapan ang 21-anyos na beterano sa Asian Tour na si Tabuena sa nakalipas na tatlong araw sa pagpalo nito sa Rio de Janeiro Golf Course dahil sa ininda na pananakit ng balikat at hindi matantiya ang paiba-ibang ihip ng hangin.

Kinumpleto ng kasalukuyang Philippine Open champion ang unang pagsabak sa golf competition sa ika-53rd puwesto na may kabuuang seven-over total matapos ang mga rounds na may 73, 75 at 73.

Bunga ng mga kabiguan ay naiwanan na lamang sa tatlong atleta ang kampanya ng Pilipinas sa torneo. Nakatakdang sumabak Lunes ng gabi si Eric Shauwn Cray sa 400m hurdles na susundan ni 3-time Olympian at long jumper Marestella Torres-Sunang sa Agosto 16 at taekwondo jin Kirstie Elaine Alora sa Agosto 20.

Read more...