BURARA pala sa kanyang mga kagamitan ang isang young actress. Kung ang marami niyang mga kakontemporaryong batang aktres ay masinop sa kanilang mga stuff, ang babaeng ito naman ay walang pakialam, tambak lang siya nang tambak ng mga kagamitan niya sa kung saan-saan.
Ang tawag sa kanya ng ibang make-up artist ay ahas, hindi dahil sa mapang-agaw siya ng karelasyon ng may karelasyon, kundi dahil sa kung saan siya mapag-abutan ay ‘yun na ‘yun!
Sayang, komento ng mga miron, dahil magaganda pa naman ang mga kagamitan ng young actress.
Marami siyang branded stuff, hindi naman ‘yun regalo lang sa kanya, binibili niya ‘yun galing sa perang pinaghihirapan niya.
Kuwento ng isang beking matagal nang nakakatrabaho ng young actress, “Sayang ang mga kagamitan niya dahil kung saan-saan lang niya ibinabalandra sa taping! Masyado siyang burara, walang kaingat-ingat sa mga gamit niya ang babaeng ‘yun!
“Ang mga shoes niya pagkagamit, meron namang mga boxes ‘yun, pero pakalat-kalat lang! Pagod na pagod na ang PA niya sa kaliligpit, siya naman, napakahilig magkalat!
“Hindi mo nga iisiping ganu’n pala siya dahil in fairness, makinis siya, ha? Deceiving ang personality ni ____ (pangalan ng burarang young actress), parang maingat siya sa mga gamit niya, parang hindi siya burara, dahil malinis siya sa katawan!” unang komento ng aming source.
‘Yun kaya ang isa sa mga dahilan kung bakit iniiwan ang girl ng kanyang boyfriend? Ang pagiging burara kaya niya ang rason kung bakit basta na lang siya tinalikuran ng isang napakaguwapong young personality?
“Naku, baka nga! Di ba, nakikita kasi ng guy ang pagiging burara niya? Nu’ng minsan ngang magkasama sila, e, nawindang ang guy! Napapailing na lang siya habang nakikipag-usap ang girlfriend niya sa CP.
“Puro mantika ang mga kamay niya, kumakain siya nu’n, wala siyang pakialam na halakhak nang halakhak sa pakikipagkuwentuhan sa phone habang nagmamantika ang mga kamay niya!
“Bradly Guevarra, kapatid ng name ng girl na ito ang masasarap na kakanin na tulad ng sapin-sapin, bibingka at kung anu-ano pa!” pagtatapos ng aming impormante.