Globalport Batang Pier wagi sa double overtime kontra Meralco Bolts

Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m.NLEX vs Mahindra
7 p.m. Meralco vs Blackwater

NAKUBRA ng Globalport Batang Pier ang unang panalo sa 2016 PBA Governors’ Cup elimination round matapos magapi ang Meralco Bolts, 126-123, sa double overtime kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Bumitaw si Anthony Semerad ng corner 3-pointer mula sa pasa ni Stanley Pringle para ibigay sa Batang Pier ang tatlong puntos na kalamangan, 126-123, may 14.9 segundo ang nalalabi sa ikalawang overtime.

May pagkakataon sana ang Bolts na ihatid ang laro sa ikatlong overtime subalit sumablay ang triple ni Jonathan Uyloan sa pagtunog ng buzzer para tuluyang mauwi ng Batang Pier ang panalo.

Gumawa si Michael Glover ng 26 puntos para sa Globalport na nakuha ang unang panalo matapos ang limang laro.

Sina Semerad at Terrence Romeo ay nag-ambag ng tig-24 puntos para sa Batang Pier.

Si Allen Durham ay nagtala ng game-high 55 puntos para sa Bolts na nahulog sa 3-3 karta.

Read more...