Arellano, San Beda target ang ika-9 panalo

Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
9 a.m. Mapua vs JRU
10:45 a.m.  Arellano vs EAC
12:30 p.m. San Beda vs San Sebastian
2:15 p.m. St. Benilde vs Perpetual
4 p.m. LPU vs Letran
Team Standings: Arellano (8-1); San Beda (8-1); Mapua (7-2); CSB-LSGH (6-3); LPU (5-4); Perpetual Help (4-5); Letran (4-5); JRU (2-7); San Sebastian (1-8); EAC (0-9)

IKASIYAM na panalo ang target ngayon ng Arellano University at San Beda College sa pagtatangkang manatili sa liderato sa pagsikad ng ikalawang round ng eliminasyon ng 92nd NCAA juniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Sasagupain ng Arellano ang wala pang naitatalang panalo na Emilio Aguinaldo College sa alas-10:45 ng umaga habang haharapin ng San Beda ang San Sebastian College sa alas-12:30 ng hapon sa nakatakdang apat na laban.

Tinapos ng Braves at Cubs ang unang round na may parehas na 8-1 panalo-talong karta at inaasahang magagawa ng dalawang koponan na manatili sa unahan sa pagsagupa sa Generals (0-9) at Staglets (1-8).

Sinandigan ng Arellano si Guilmer dela Torre, ang best scorer nito na may average na 18.7 puntos at second best scorer ng liga sa likod ni St. Benilde forward John Troy Mallillin na may 21.8 puntos, at Aaron Fermin, ang best rebounder at shotblocker ng liga na may average na 11 boards at 2.0 blocks kada laro.

Gayunman, nais ni Braves coach Tylon Darjuan na mag-focus ang koponan sa pagpapatatag sa depensa matapos na ibigay nito sa mga kalaban ang  81.2 puntos kada laro, ang league’s third worst.

“That’s our goal in the second round, to play tougher defense,” sabi ni Darjuan, na itinulak ang koponan sa ikalawa na puwestong pagtatapos sa naghahangad sa kasalukuyang seven-peat champion San Beda nakaraang taon.

Patuloy naman nagpapakita ang San Beda na tila isang well-oiled team matapos manguna sa liga sa points scored na 94.1 points habang nililimita ang kalaban sa 75 puntos kada laro.

Ang iba pang laro ay Mapua kontra Jose Rizal University sa alas-9 ng umaga habang St. Benilde kontra Perpetual Help sa alas- 2:15 ng hapon. Huling magsasagupa ang Lyceum of the Philippines University kontra Letran sa alas-4 ng hapon.

Read more...