Napakakulay ng buhay ng bagong bayaning atleta ng ating bayan na si Hidilyn Diaz. Mula siya sa isang mahirap na pamilya sa Zamboanga. Tricycle driver ang kanyang ama at ang kanyang ina naman ay mas piniling alagaan na lang silang magkakapatid.
Taong 2004 nang maging miyembro siya ng National Team para sa weightlifting. Kinailangan niyang mag-ensayo sa Maynila, ilang buwan siyang kailangang sumailalim sa training, sagot naman ng Philippine Sports Commission ang lahat ng gastos kapag nandito na sila sa Maynila.
“Nangutang po ang mga magulang ko ng pamasahe ko sa eroplano papuntang Maynila. Five-six po. Wala naman kasi kaming pera, magkano lang po ba ang kinikita ng tatay ko sa pamamasada niya sa maghapon?
“Kulang na kulang pa po ‘yun sa daily needs namin, saka sa pambaon namin sa pag-aaral. Matagal po bago ‘yun nabayaran ng parents ko. Patubuan kasi, five-six pa, makarating lang po ako sa training. “Sa gabi, pinauupahan ng tatay ko ang tricycle niya para may extra income siya. Kaya napakahirap po ng buhay namin, hand to mouth po talaga,” pag-alala ng silver medalist ng Rio Olympics sa nakaraan nilang buhay.
Nakuha na niya ang limang milyong pisong insentibo sa kanya ng pamahalaan (PSC), binigyan pa siya nang dalawang milyong pisong karagdagan ni Pangulong Rodrigo Duterte, may ibibigay pang kalahating milyong piso sa kanya ang pamahalaan ng Zamboanga.
“Napakasaya ko po, parang hindi ko pa rin mapaniwalaan ang bilis ng mga pangyayari. Bukod sa makatutulong na ako sa pamilya ko, matutulungan ko pa po ang mga kabataan sa amin na nangangarap ding makilala sa weightlifting.
“Napakabait po talaga ni Lord, sobrang biniyayaan ako ni Lord,” nangingilid ang luha sa mga mata na pahayag ni Hidilyn Diaz habang iniinterbyu siya sa dalampasigan ng Copacabana Beach sa Rio de Janeiro, Brazil.