Tokyo Olympics gold medal misyon ni Hidilyn Diaz

HINDI pa tapos ang misyon ni Air Force Woman 2nd Class Hidilyn Diaz.

Matapos mapatunayan ng 2016 Rio Olympics weightlifting silver medalist na si Diaz sa kanyang sarili na kaya niyang magwagi ng medalya kontra sa pinakamahuhusay sa buong mundo, pagtutuunan naman nitong makamit ang pinakaaasam na kauna-unahang gintong medalya para sa Pilipinas sa kada apat na taong torneo.

“Na-realize ko po na puwede pa ako mag-improve sa susunod na apat na taon,” sabi ng 25-anyos na si Diaz. “Marami pang pagkakataon na makasali ako sa mga qualifying event para sa 2020 Tokyo Olympics at sana po doon ko makuha ang inaasam ng buong bansa na gintong medalya.”

Nangako naman si Diaz sa pagharap nito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa guest house ng presidente na tinawag na  “Panacañang” sa Davao City (ang tinaguriang Malacañang of the South) na gagawin nito ang kanyang makakaya para manalo ng ginto sa susunod na Olimpiada.

“Ngayon po na napatunayan ko sa sarili ko na magagawa ko kung talagang paghihirapan ko at paghahandaan ang nais kong makamit, magsisilbi po sa akin na motibasyon ito na mas paghusayan ko pa lalo pa ngayon na marami na ang naniniwala na kaya natin makapanalo ng gintong medalya sa Olympics,” sabi pa ni Diaz.

Biniro naman ni Duterte na huwag na muna itong mag-asawa para makapag-concentrate sa training subalit agad itong sinagot ni Diaz.

“Alam ko pong biro po iyon, pero siyempre gusto ko rin po makapag-asawa. Na-realized ko rin po na gusto rin talaga ng Pangulo natin na makapanalo na tayo ng gintong medalya sa Olympics,” dagdag pa ni Diaz.

Agad pagtutuunan ng atensiyon ni Diaz ang pagpapatuloy sa sinimulan nitong programa sa strength and conditioning upang paunti-unti nitong maabot ang target na makabuhat ng 101 kgs sa snatch at 125 kgs sa clean and jerk.

Sa Rio, bumuhat ng 88 kgs at 112 kgs si Diaz para sa silver medal.

“Tatapusin ko po siguro muna ang pag-aaral ko tapos paunti-unti ko po susundin ang mga program na inihahanda ng asosasyon namin para sa mga susunod na international tournament,” sabi ng estudyante ng Hotel and Restaurant Management sa Universidad de Zamboanga.

Balak ni Diaz na lumahok sa 29th Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia pati na rin sa 2018 Indonesia Asian Games. Isasagawa naman sa Pilipinas ang 2019 SEA Games kung saan balak ni Diaz na gawin itong hagdan para sa paghahanda nito sa pinakaultimong hamon sa 2020 Tokyo Olympics.

Read more...