SA kabila ng mga inaasahang kilos-protesta ng mga makakaliwang grupo, nanindigan si Pangulong Duterte na panahon na para mailibing si dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, at tama lamang na hindi siya magpatinag sa kanilang bantang hindi titigil sa mga rali para tutulan ito.
Sa kanyang mga pahayag, sinabi ni Duterte na kahit isang buwan pa na magrali ang mga demonstrador, hindi niya pipigilan ang mga magpoprotesta.
Malinaw ang argumento ni Pangulong Duterte, bilang dating pangulo at dating sundalo, kwalipikado si Marcos na mailibing sa Libingan ng mga Bayani.
Batid naman natin na may pagkakasala si Marcos ngunit hindi ito dapat maging dahilan para harangan pati ang pagbibigay sa kanya ng nararapat na libing sa Libingan ng mga Bayani.
Kung titingnan lang kasi ang kasaysayan, alam kaya ng mga grupong ito na ilang pangulo at indibidwal na rin ang inilibing sa Libingan ng mga Bayani na maituturing na mga taksil at gumawa ng kalupitan sa mamamayang Pilipino?
Idinagdag ni Duterte na layunin din ng paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani na mahilom na ang mga sugat na iniwan ng mga nagdaang administrasyon.
Hindi dapat pakinggan ang grupo ng makakaliwa at maging ng mga tinaguriang dilawan sa kanilang kagustuhan na huwag ilibing si Makoy sa Libingan ng mga Bayani dahil kung tutuusin mas marami ang pabor na matuldukan ang isyu sa pamamagitan ng paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Base sa mga survey, partikular ang StratPolls, mas maraming mamamayan sa Metro Manila ang pabor sa paglilibing kay Macoy sa Libingan ng mga Bayani.
Batay sa survey, tinatayang 71.6 porsiyento ang pabor sa paglilibing, samantalang 28.4 percent lamang ang tutol.
Nangangahulugan lamang ito desperado lamang ang mga makaliwang grupo, samantalang halata namang ginagamit ng mga grupong dilawan para mapabagsak si Duterte gamit ang isyu ng Marcos burial.
Klarong-klaro ang nais ng taumbayan, ituloy na ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Kung tutuusin hindi dapat pinakikinggan pa ang grupong ito na napakaliit ng bilang kung ihahambing sa milyong Pilipino na nais na matuldukan ang isyu sa paglilibing kay Makoy.
Ngayong araw nakatakdang magsasagawa ng kilos-protesta ang grupong makakaliwa kabilang na ang mga suporter ni dating pangulong Aquino para tutulan ang nakatakda nang paglilibing sa dating presidente.
Isang uri ito ng pagpapakita ng lakas at puwersa na tumututol sila sa Marcos burial at maituturing din itong pananakot kay Digong dahil sa kanyang naging desisyon.
Nakakaumay na ang makakaliwang grupo kabilang na ang kakunstsaba nitong dilawan ni Noynoy.
Walang bagong isyung maihain sa taumbayan kaya naghahalukay sila ng mga isyu para lang sila makapagsagawa ng walang kapaparakang kilos-protesta. Tama na, sobra na, ilibing na!