SINORPRESA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagbabalik sa bansa ang natatanging babaeng Pilipinong Olympian na nagwagi ng medalyang pilak sa 2016 Rio Olympics na si Hidilyn Diaz.
Ito ay matapos dagdagan ni Duterte ng P2 milyon maliban pa sa nakatakda nitong matanggap na P5 milyon mula sa pamahalaan ang insentibo ng natatanging babae at weightlifter ng bansa na nakamedalya sa Olimpiada.
Personal na ibinigay ni Duterte ang dagdag na premyo para sa 25-anyos na si Diaz, na tanging mula Mindanao na naitala sa kasaysayan ng bansa na nagwagi ng medalya sa kada apat na taong Olimpiada, sa ikalawang paghaharap sa guest house nito na kilala sa Panacañang, ang tinaguriang Malacañang of the South.
Nakatakda rin magbigay ng insentibo ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga City base sa ordinansa nito sa sports nang kalahating milyon kayDiaz.
Inihahanda na rin ng Philippine Air Force ang promosyon ni Diaz bilang Air Woman First Class sa pagbabalik nito sa Maynila sa Agosto 18. Si Diaz ay kabilang sa 710th Special Operations Wing kung saan nakadetalye ito sa Personnel Management Center ng AFP Special Services Group.
Umaabot na sa kabuuang P7.5 milyon ang nakatakdang matanggap ni Diaz matapos nitong tapusin ang 20-taong pagkauhaw ng bansa sa medalya sa Olimpiada. Inaasahan pa na madadagdagan ang kanyang mauuwi sa pagbibigay ng iba pang ahensiya at korporasyon ng dagdag na insentibo.
Una nang nagpahayag ang Accel sa pamamagitan ng may-ari nito na si Willie Ortiz na magbibigay ng P1 milyon na halaga ng uniporme at sapatos kung pahihintulutan ni Diaz.